Nagsimula ng maglibot ang “KADIWA on Wheels” ng Kagawaran ng Pagsasaka sa probinsiya ng Oriental Mindoro noong Sabado, Marso 28.
Ang KADIWA o “Katuwang sa Diwa at Gawa para sa Masaganang Ani at Mataas na Kita” on Wheels ay siyang tugon ng Kagawaran upang tulungan ang mga magsasakang hindi makapagbiyahe ng kanilang produkto dahil sa ipinatupad na Enhanced Community Quarantine sa buong Luzon. Umiikot ito sa iba’t ibang bayan upang hakutin at bilhin ang mga inaning gulay, prutas, at iba pang produktong agrikultura ng mga magsasaka. Sa pamamagitan nito matutulungan ang ilang magsasaka na maibenta ang kanilang paninda at maipapaabot pa sa ibang kabayanan.
“We want to provide the public as many options possible to access affordable and nutritious food. The DA offices shall be ready to accommodate buyers but they should, of course, follow the quarantine guidelines and physical distancing procedures,” pagpapaliwanag ni Kalihim William Dar sa pagsasagawa ng KADIWA ngayong panahon ng krisis dahil sa COVID-19. (Gusto naming magbigay ng maraming posibleng paraan upang mapalapit sa mga mamamayan ang mura at masustansiyang pagkain. Kailangan ang mga tanggapan ng DA ay handang tumanggap ng mga mamimili, ngunit kailangan pa rin sumunod sa alituntunin ng quarantine at physical distancing procedures.)
Sa Orientla Mindoro, umiikot ang KADIWA simula sa bayan ng Bulalacao hanggang Puerto Galera (v.v.) upang mamimili at magbenta. Unang nahakot neto ang mga melon sa Bulalacao at Mansalay na umabot ng tatlong (3) tonelada.
Naging posible ang KADIWA sa probinsiya dahil sa kabutihang loob ni Mar Buatista, isang miyembro ng Samahan ng mga Tawid-Dagat, Tsuper at Operator ng Oriental Mindoro (STTOORM) na siyang nagmamaneho ng truck at namimili ng mga paninda ng mga nadadaanang magsasaka. Ayon sa kanya, halos umabot na ng P100,000 ang naibayad niya sa mga napagkuhanan niyang produkto noong Sabado.
“Ang naibabayad ko sa mga farmers ay umaabot ng P100,000 sa isang araw sa pamamagitan ng Palawan (Pera Padala) kaya tuwang-tuwa naman ang mga farmers,” kanyang pagbabahagi.
Sa nais bumili o magbenta ng produkto maaaring makipag-ugnayan kay Mar Bautista sa pamamagitan ng pag-text o tawag sa numerong 09196145520 o kaya naman sa 09163684088.
Sa kabila nito, mimunumungkahi pa rin ni Kalihim Dar na patuloy suportahan ng mga lokal na pamahalaan ang kanilang mga lokal na magsasaka sa pamamagitan ng pagbili ng kanilang mga produkto at isama sa food packs na kanilang pinapamigay.