Hindi lamang ang mga magsasaka at mangingisda ang natulungan kumita ng “Kadiwa ni Ani at Kita” ng Department of Agriculture (DA) kundi pati rin ang mga bilanggo ng Bureau of Corrections (BuCor) sa Iwahig, Puerto Princesa City.
Nagdala ang nasabing ahensiya ng mga inani ng kanilang mga bilanggo mula sa Iwahig Prison and Penal Farm (IPPF) sa Kadiwa Retail Outlet sa Brgy. Sta. Monica.
Ang IPPF ay matagal ng kilala hindi lang bilang kulungan ng mga lumabag sa batas kundi isa ring tourist spot sa Lungsod dahil sa historical significance nito at pagkakaroon ng iba’t ibang atraksyon na ang mga bilanggo mismo ang mga nangangalaga at naghahanda.
Tinatag ang IPPF para sa mga kolonista at bilanggo na hindi na kayang ipiit sa National Bilibid Prison noong panahon ng pananakop ng Amerika. Bilang isa sa mandato ng BuCor na rehabilitation itinatag sa loob ng malawak na lupain ng Iwahig Penal Colony ang iba’t ibang pangkabuhayan katulad ng pagtatanim na maaaring makatulong sa pagsimula ng panibangong buhay kapag nakalaya na ang mga bilanggo. Hanggang sa ngayon, ito ay pinagpapatuloy pa rin ng kasalukuyang administrayson ng ahensiya sa pangunguna ni CSupt. Raul Levita, Penal Superintendent, at CTInps. Teddy Martin, Chief for Work and Livelihood.
“Ito yung isa sa mga objective namin dito, ang ma-rehabilitate sila habang nandito sila, para kapag lumaya na sila magaling na sila (ng iba’t ibang klase ng kabuhayan). Meron na sila ng option sa pagtatrabaho,” pagpapaliwanag ni CTInps. Martin.
Dumaraan din ang mga bilanggo kasama na ang mga tauhan sa BuCor sa iba’t ibang pagsasanay katulad ng tamang pangangalaga ng mga pananim, mushroom production, at organic farming na hatid ng DA. Higit pa rito nagpapadala rin ang DA ng iba’t ibang pananim at mga kagamitan sa pagtatanim kasama na ang organic fertilizer upang suporta sa kanilang programa.
“We started last November 2019 for the training…nagbigay din tayo ng initial na seeds kasama ang HVCDP (High Value Crops Development Program) nagbigay sila ng support ng mga inputs katulad ng organic fertilizer at garden tools katulad ng asarol, pala, sprayer, mulching film at culture net,” pagbabahagi ni Milagros Cacal, Center Chief, Palawan Research Experiment Station.
Sa kasalukuyan, ang nasabing taniman ay inaalagaan ng halos 24 bilanggo kung saan sila ay may tanim ng iba’t ibang klase ng gulay tulad ng talong, kalabasa, okra, at kangkong meron din silang palay, iba’t ibang prutas, mga alagang hayop at maliit na palaisdaan.
Binahagi rin ni CTInps. Martin na ang kanilang balak lamang sa mga aning gulay ay para lamang sa pagkain ng kanilang mga bilanggo ngunit dahil na rin sa dami ng tulong bukod sa pinapaabot ng DA ay nagkaroon sila ng sobra-sobrang ani. Kaya naman sila ay nakapagbenta ng kanilang ani sa Kadiwa Retail Store sa Brgy. Sta Monica.
Nitong nakaraang Mayo, sila ay nakapag-suplay sa aabot sa 400 kilo ng mga nabanggit na gulay na kung ang saan ang pera mula sa benta ay iniipon nila para gratuity at welfare ng mga inmates ayon kay CTInps. Martin.
Sa kanya ring pagbabahagi pinag-aaralan nila ngayon kung papaano ito ilalagay sa pondo bilang gratuity pay para sa mga bilanggo na nagtrabaho na mapangalagaan ang kanilang taniman.
“Pinagmamalaki ko itong taniman namin kasi sila (DA) yung nag-seminar sa amin last year at ito na yung end product (mga inaning gulay)…Sana hindi magsawa ang DA sa pagtulong sa amin dahil sisiguraduhin naming na ang lahat ng tulong, technical at inputs, ay magiging kapakipakinabang lalo na sa mga bilanggo,” wika ni CTInps Martin.
Ikinatuwa naman ni Region Executive Director Antonio Gerundio ang balita na ito dahil ito ay nahahanay sa pagtugon sa adbokasiya ng Kagawaran.
“Nagpapasalamat kami sa IPPF dahil minabuti ninyo na makatulong at tumugon sa Kalihim William Dar na paramihin ang produksiyon ng pagkain sa buong bansa,” kanyang pinapaabot sa pamunuan ng IPPF.