Talaga namang tinitigilan ang tindahan ng Kadiwa MIMAROPA upang umusisa at bumili sa mga sariwang gulay, halamang ugat, at prutas mula sa mga ani ng Papandungin Vegetable Growers Association (PVGA) ng Gloria, Oriental Mindoro.
Noong Oktubre 24, kasabay ng paglulunsad ng Kadiwa Online sa pamamagitan ng Tagani.ph, binuksan ng Department of Agriculture-MIMAROPA (DA-MIMAROPA) ang outlet o tindahan para sa mga ani ng 120 magsasakang miyembro ng PVGA sa Unioil Gas Station sa tapat ng SM Southmall sa Las Piñas City.
Dumaan man ang tatlong bagyo hindi natinag ang Kadiwa MIMAROPA sa pagbebenta sa nasabing lugar, at dahil diyan umabot na sa mahigit Php140,000 ang naging benta ng PVGA.
Ang proyektong Kadiwa o Katulong sa Diwa at Gawa ni Ani at Kita ay alinsunod sa Market, Market, Market Program ng DA upang tugunan ang problema sa lokal na merkado ng sariwang gulay,halamang ugat, at prutas. Ito rin ay isang paraan upang mas mapalapit ang bilihan sa mga residente sa mga lungsod lalo na ngayon na mayroong COVID-19 na pahirapan ang paggalaw at pagbiyahe.
Isa si Judee Holgado residente ng isang barangay malapit sa Kadiwa Outlet sa mga natuwa ng makita ang mga tinda ng PVGA.
“Galing din po kasi ako sa probinsiya at alam ko yung hirap ng mga magsasaka sa bukid, kaya talagang naniniwala ako sa pagsulong ng support local, lalo na ngayong may pandemya at mga kalamidad,” aniya ng bumili siya ng saging, patatas, at dalandan.
Kanya ring pinuri ang Kadiwa MIMAROPA dahil sa layunin nito. “Maganda yung ganito kasi alam mong direkta sa mga magsasaka, sariwa, at nakakamura din,” dagdag niya.
Samanatala, si Rhea Magro na siyang naatasan ng asosasyon na mamahala sa Kadiwa Outlet ay nagpapasalamat din sa proyektong ito ng DA.
“Mas kumikita po kami sa pamamagitan nitong Kadiwa kasi po nakakadikta kami ng presyo kaysa po nong nasa (Oriental) Mindoro lang kami bumibenta dahil marami na po doon nagtitinda,” kanyang pamamahagi.
Ang mga paninda sa Kadiwa Outlet ay makikita at mabibili rin sa pamamagitan ng Tagani.ph website.
Dagdag pa rito, sa pamamagitan rin Tagani.ph naging daan rin ang Kadiwa MIMAROPA sa pagsuplay ng mga gagamitin ng grupo ng Brgy 183 Zone 20, Pasay City para sa kanilang feeding program para sa mga nasalanta ng bagyong Ulysses.
Sa pamamagitan nito hindi lamang ang mga nasalanta ng bagyo ang natulungan pati na rin ang mga magsasaka ng PVGA.
Tuloy-tuloy din ang pagtatrabaho at pagsasa-ayos ng Agribusiness and Marketing Assistance Division ng DA-MIMAROPA upang maisama pa ang ibang produkto at grupo ng mga magsasaka sa Kadiwa.