Sa pakikipagtulungan ng Kagawaran ng Pagsasaka- MIMAROPA, opisyal ng binuksan ng Palawan Swine Producers Association (PSPA) ang KADIWA MEAT SHOP sa DA-PRES Regional Marketing Trade Center sa Brgy. Sta. Monica, Puerto Princesa City ngayong Ika-22 ng Hulyo. Layunin ng gawaing ito na makapagbigay ng magandang kalidad at abot-kayang karneng baboy sa mga Palawenyo.
Sinimulan ang palatuntunan sa pamamagitan ng pambungad na pananalita ni G. Ariel A. Colongon, kasalukuyan Tagapamahala ng Dairy Production and Development Center at nagsisilbing tagapayo ng PSPA. Sinundan ito ng mensahe mula kay Dr. Indira A. Sangtiago, City Veterinarian II, na nagsaad ng lubos na pagsuporta sa programa sa pamamagitan ng pagpapalakas ng kanilang serbisyo para sa tuloy-tuloy na kalakalan para sa mga nag-aalaga ng baboy sa Lungsod ng Puerto Princesa. Nagpahayag din ng lubos na pasasalamat sa DA MIMAROPA ang Provincial Agriculturist, Dr. Romeo M. Cabungcal sapagkat ayon sa kanya, ang ganitong mga estratehiya ay bahagi ng pagpapalakas ng sektor ng agrikultura at paghahayupan sa Lalawigan ng Palawan.
Tampok din sa programang ito ang mensahe mula kay DA-MIMAROPA Executive Director, Antonio G. Gerundio na tumalakay sa pagpapaunlad ng Trading Center pati na rin ang mga bagay na maaaring gawin upang matugunan ang mga suliranin sa sistema ng kalakalan sa probinsya. Binahagi niya rin na siya ay natutuwa na naisakatuparan ang ganitong proyekto sa pakikipagtulungan ng samahan at lokal na pamahalaan.
“Ikinalulugod ko na sa kabila ng pandemya ay patuloy na naisusulong ang adhikain ng Kagawaran na magkaroon ng patas na kalakaran sa pamilihan sa pagitan ng magsasaka at konsyumer, lalo na sa kalakalan ng karneng baboy sa Palawan,” wika niya.
Ayon naman sa Hepe ng DA-AMAD MIMAROPA, Dr. Celso Olido, ang Kagawaran ng Pagsasaka ay labis ang pagsisikap na magkaroon nang higit pang KADIWA Outlet at palakasin ang mga samahan ng magbababoy upang magkaroon sila ng kakayahan na magsuplay ng kanilang ani o produkto nang sa gayon ay mas madali rin silang maiuugnay sa mas malaki pang merkado.
Dagdag pa niya, “Ang masaganang ani at mataas na kita ng magsasaka ay makakamit kung sila ay magkakaroon ng “entrepreneurial mindset.”
Binigyang diin din nya rin na dapat na maramdaman ng bawat miyembo ng samahan na sila ay kumikita.
Bilang pangwakas na pahayag, ibinahagi ni G. Eric Villanueva, Pangulo ng PSPA na marami silang naranasang balakid at suliranin lalo na sa pagtataya ng presyo ng mga trader sa kanilang produkto. Ngunit sa kabila nito, sila ay nagsumikap at nakipagtulungan sa Kagawaran upang magkaroon ng patas na presyohan.
“Dati ay nangangarap lamang kami ng patas na transaksyon at kumita. Sa tulong ng Kagawaran ngPagsasaka ay naisasakatuparan na namin ang hangaring ito. Kaya naman lubos ang pasasalamat ng samahan sa patuloy na ayuda at suporta sa DA,” kanyang pagpapasalamat.
Matagumpay na natapos ang aktibidad sa pamamagitan ng paggupit ng laso at opisyal na pagbebenta ng mga produkto ng PSPA.