Tinatayang nasa Php 721,589.29 ang naging kabuuang kita ng inilunsad ang KADIWA ng Pangulo (KNP) sa MIMAROPA mula sa 44 exhibitors na lumahok dito noong ika-17 ng Hulyo, 2023.
Samu’t saring produktong agrikultural tulad ng gulay, prutas, at bigas gayundin ang mga processed foods ang nabili dito sa murang halaga na nagmula sa farm associations at lokal na producers na lumahok sa nasabing programa. Layunin ng KNP o Katuwang sa Diwa at Gawa para sa Masaganang Ani at Kita o KADIWA ng Pangulo na tulungan ang mga magsasaka, producers at processors na mailapit ang kanilang produkto sa mamimili upang tangkilin ang sariling atin sa pamamagitan ng pagbili ng mga locally produced na agricultural at processed products.
Sa pangunguna ng mga Local Government Units (LGUs), nakiisa dito ang probinsya ng Oriental Mindoro, Occidental Mindoro, Marinduque, at Palawan sa sabayang paglulunsad sa buong bansa, alinsunod sa bisa ng advisory na inilabas ng Department of the Interior and Local Government (DILG).
Pinangasiwaan ang aktibidad ng bawat Provincial Agriculture Office (PAGO)/Office of the Provincial Agriculturist (OPA) kasama ang Department of Agriculture (DA) - MIMAROPA katuwang ang DILG, Department of Trade and Industry (DTI), at National Food Authority (NFA).
Sa lalawigan ng Oriental Mindoro, itinayo ang KNP sa Provincial Capitol Grounds na kung saan dumalo sa pagbubukas nito sina Oriental Mindoro Agricultural Program Coordinating Officer (APCO) Artemio Casareno na nagsilbing kinatawan ni Regional Executive Director Engr. Maria Christine C. Inting at si Market Development Section Head Ramon Policarpio ng Agribusiness and Marketing Assistance Division (AMAD).
Maraming kawani ng kapitolyo ang sinamantala ang naturang programa at base sa datos ng PAgO ng pinagsama-samang benta ng 18 exhibitors, naitala na nasa Php 101,457.20 ang naging kabuuang benta ng mga ito sa loob ng isang araw.
Samantala sa Occidental Mindoro, inilunsad ang KNP sa Evacuation Center sa bayan ng Mamburao, Municipal Compound ng San Jose at Sablayan. Malugod itong sinuportahan ng mga mamamayan ng mga nasabing munisipalidad dahil bukod sa mga murang bilihin ay nakakatitiyak ang mga ito na sariwa at bago ang mga itininda rito.
Sa loob ng tatlong araw na pagsasagawa ng programa, tinatayang nasa 12 farmers association ang lumahok dito na kung saan umabot sa Php 255, 086.00 ang kabuuang benta sa buong munisipyo, mula sa bayan ng Mamburao na may halagang Php 110,554.00, sa Sablayan na Php 79, 025.00 at San Jose na may halagang Php 65,507.00.
Sa kabilang banda, matagumpay rin nakiisa ang lalawigan ng Marinduque sa nationwide launching ng KNP na itinayo sa carpark ng kapitolyo. Ang nasabing gawain ay dinaluhan ng mahigit siyam na asosasyon mula sa Bayan ng Buenavista, Boac, Gasan kabilang na ang Samahan ng Aktibong Magsasaka ng Sitio Pag-asa (SAMAPA) mula sa bayan ng Mogpog. Dahil sa kanilang kooperasyon at aktibong pakikilahok, tinatayang nasa mahigit Php 63, 945.00 ang naging kabuuang kita ng mga magsasaka sa loob lamang ng kalahating araw na pagtitinda sa itinalagang KADIWA site.
Sa probinsya naman ng Palawan, lumahok din Pamahalaang lungsod ng Puerto Princesa sa malawakang paglulunsad ng KNP na isinagawa sa Atrium ng New Green City Hall na pinangunahan ng City Agriculture Office. Nilahukan ito ng 15 farmer’s association na kung saan naitala na nasa Php 141,235.00 ang kabuuang kita.
Bukod dito, nagkaroon rin ng KNP sa Centennial Pavilion ng Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan na pinangasiwaan ng OPA katuwang ang Palawan Tarabidan Multi-Purpose Cooperative bilang opisyal na kaagapay ng KADIWA sa lalawigan. Umabot sa Php 159,866.35 ang naging kabuuang benta dito ng nasa tatlong FCAs na nakiisa dito.
Bukod sa mga agricultural products na itininda ng mga asosasyon sa mga nasabing lalawigan sa rehiyon, may booth din na itinayo ang NFA na nagbenta naman ng NFA rice sa halaga ng Php 25.00 kada kilo habang sa inisyatibo ng DTI katuwang ang isang sikat na supermarket, nagkaroon din ng diskwento caravan na sinamantala rin ng mga maraming mamimili.