News and Events

Kabuhayang OA para sa kinabukasang OA inilunsad sa 9th Regional Agriculture Congress sa Occidental Mindoro

Kabuhayang OA para sa kinabukasang OA inilunsad sa 9th Regional Agriculture Congress sa Occidental Mindoro

Ginanap ang ika-9 na Regional Organic Agriculture Congress (ROAC) na may temang “Kabuhayang OA, Kinabukasang OK” sa bayan ng Magsaysay, Occidental Mindoro na dinaluhan ng mga organic farmers mula sa mga probinsiya ng Romblon, Palawan, Marinduque, Oriental at Occidental Mindoro.

Layunin ng aktibidad na ito na palakasin ang Organic Agriculture sa pamamagitan ng pagpapakita ng mga aktibidad at innovation sa Organic Agriculture maging ang mga pamamaraan at produkto ng mga organic farmers sa bawat probinsya ng MIMAROPA. Isa pang hangad ng aktibidad na ito ay mapalakas ang ugnayan ng organic agriculture practitioners at ng kagawaran para lalong mapaunlad ang industriya ng Organic Agriculture sa rehiyon.

Bilang panimula ng ROAC, kinilala ang mga delegado mula sa limang (5) probinsiya kasama ang mga delegado mula sa Organic Agriculture Program at Department of Agriculture-MIMAROPA.

Naganap rin ang Ribbon Cutting Ceremony at Exhibit Tour kung saan itinampok ang mga organikong produkto mula sa mga probinsiya ng MIMAROPA kung saan kumita nang P 109,001.00 ang mga small scale entrepreneur ng MIMAROPA. Binigyang parangal din ang mga exhibitor na may pinakamataas na kita. Nanguna rito ang Triple P Food Products (Occidental Mindoro) na nakabenta ng P 13,740.00 organic products. Sinundan naman ito ng Mindoro’s Best Bennies Farmers and Fisheries Association (P 12,300.00) at Narra Organic Farmers (P 10, 390.00) ng Palawan.

Kinilala rin ang mga Third Party Certified Farms na sina Danizon Farm ng Occidental Mindoro, Minerva’s Integrated Farm ng Marinduque at Mary Help of Christians School Inc. ng Oriental Mindoro. Gayundin, binigyang pagkilala ng Bureau of Agriculture and Fisheries Standards (BAFS) sa pamamagitan ng pagbibigay ng Participatory Organic Certificate ang mga organic farm ng Aborlan PGS Group at Palawan Organic Farmers Association Municipal PGS Group ng Palawan at Organiko Mindoreños -Magsaysay Chapter PGS Group ng Occidental Mindoro na nakapasa sa Pambansang Pamantayan ng Organikong Agrikultura ng Pilipinas.

Pinangunahan ang pagbubukas ng 9th ROAC nina Occidental Mindoro Governor Eduardo Gadiano, Magsaysay Mayor Cesar Tria Jr., SP Member Hon. Ulysses Javier, Calintaan Mayor Dante Esteban, Director Bernadette San Juan ng NOAP, Dir. Renato Dela Cruz ng NOAB, DA-MIMAROPA Regional Technical Director Vener Dilig at dating RED Antonio Gerundio.

Sa ikalawang bahagi ng ROAC ay nagkaroon ng pagkakataon ang mga probinsya na ibahagi ang kanilang Provincial Organic Agriculture Plans na magsisilbing gabay nila para lalo pang mapaunlad ang Organic Agriculture sa kanilang mga probinsya.

Sa huling araw naman ay nagbahagi ang ilang mga organic practitioner ng kanilang mga best practices. Binahagi nina G. Efren Gonzales ng Magsaysay, Occidental Mindoro ang kanyang Soil Fertilization Practice, samantalang Organic Chicken Production naman ang binahagi ni Domingo Dela Cruz ng Boac, Marinduque at ibinahagi naman ni Eduardo Jopson ng Palawan ang kanyang best practice in Organic Aquaculture.

Itinuro rin ni G. Renato Dela Cruz ng National Organic Agriculture Board ang Protocol on Organic Rice and Onion Production at ipinaliwanag naman ni G. Benedicto Batiles ng Occidental Mindoro State College ang Efficacy Trial of Seaweed Extract Foliar Fertilizer on Growth and Yield of Rice and Onion.

Bilang pagtatapos, nagpasalamat si G. Michael Graciano Iledan, Regional Organic Agriculture Focal Person sa bawat isa na dumalo sa 9th ROAC at kanyang hinihikayat ang bawat isa na palakasin pa ang Organic Agriculture sa rehiyon.

“Maraming salamat po sa bawat isa na nakillahok at tumulong upang maging matagumpay ang ating 9th Regional Organic Agriculture Congress. Maraming salamat sa suporta ng mga tao sa likod ng programang ito. Ginagawa po namin ang lahat, nakikipagcollaborate po ang DA sa mga LGUs para isulong ang Organic Agriculture Program. Salamat po sa inyong patuloy na pagsuporta sa Organic Program,” ani ni G. Iledan.

Image

Republic of the Philippines

All content is in the public domain unless otherwise stated.

About GOVPH

Learn more about the Philippine government, its structure, how government works and the people behind it.