News and Events

Industriya ng kalamansi sa OrMin, palalakasin; Calamansi production roadmap sa MiMaRoPa, ilalatag
Pinangunahan nina RED Antonio G. Gerundio at Dir. Mamaril ng BAR ang pagpapasinaya sa ORMAES, Victoria, Oriental Mindoro. May kabuuang halaga na P8,409,708.58 ang pondong inilaan ng BAR para sa rehabilitasyon ng plant tissue culture laboratory, plant nursery, at food/fruit processing laboratory habang umaabot naman sa P5,997,052.36 ang halaga ng solar power system.

Industriya ng kalamansi sa OrMin, palalakasin; Calamansi production roadmap sa MiMaRoPa, ilalatag

Kasabay ng pagbisita sa tanggapan ng DA MIMAROPA Region sa Oriental Mindoro nina Bureau of Agricultural Research Director Dr. Vivencio R. Mamaril at Bureau of Plant Industry Asst. Director Jonar I. Yago nitong ika-4 hanggang ika-6 ng Oktubre, 2021 ay ang pagtalakay sa pagpapalakas ng produksyon ng calamansi sa lalawigan at ang pagbuo ng calamansi production roadmap sa MiMaRoPa para sa susunod na limang (5) taon.

Binigyang diin rin sa naganap na pagpupulong ang pagkonsulta sa mga citrus growers upang mabatid din ang kanilang mga pangangailangan at hinaing sa produksyon ng calamansi.

Pinangunahan ng mga nasabing opisyal kasama si Regional Executive Director Antonio G. Gerundio ang pagpupulong hinggil sa Calamansi Production and Disease Indexing kung saan naging pangunahing paksa ang mga tagubilin ni Secretary William Dar nang bumisita siya sa lalawigan nitong Setyembre.  Ayon kay BPI Asst. Director Yago, apat (4) na mahahalagang bagay ang binigyang diin ni Sec. Dar na kailangan aniyang matutukan kaugnay nito: 1) expansion area for calamansi production; 2) calamansi cultivars and accessions; 3) package of technology; at 4) indexing facility na pawang magbibigay daan para sa tuloy-tuloy na produksiyon ng mga magagandang klase at walang sakit na kalamansi sa lalawigan.  Layunin ng huli na ang mga itatanim na kalamansi ng mga magsasaka ay mula sa mga mother plants na walang anumang sakit o virus.

“Mahalaga dito na iyong mga seedlings ninyo na mapoproduce ay ipa RT- PCR (Rapid Test – Polymerase Chain Reaction) po natin para masiguro lang na ‘yong gagamitin ninyong pananim sa umpisa ay disease – free,” mensahe ni BAR Director Mamaril.

Sa patnubay ng DA BAR at BPI, tututukan ng DA MIMAROPA partikular ng mga tanggapan ng Research Division, Integrated Laboratory Division (ILD), Operations Division, Regulatory Division, at Regional Crop Protection Center (RCPC); Mindoro State University (MinSU); Provincial Agriculture Office (PAgO); National Seed Quality Control Services (NSQCS); Plant Quarantine Service (PQS); at iba’t ibang calamansi industry stakeholders ang mga aspetong ito hanggang sa makabuo ng calamansi roadmap sa MiMaRoPa para sa susunod na limang (5) taon.

“Ang importante kasi ‘yong roadmap ng calamansi production for the next five (5) years sa MiMaRoPa para nang sa ganun both noong ating farmers, RFO at State University na andito ay meron nang tinitingnan na programa at saan papasok ang gobyerno natin para matulungan ‘yong farmers”, saad naman ni BPI Asst. Director Yago.

Samantala, pinangunahan rin ni Director Mamaril ang pagpapasinaya ng mga pasilidad sa Regional Integrated Agricultural Research Center (RIARC) sa bayan ng Victoria na pinondohan ng Bureau of Agricultural Research sa ilalim ng Bayanihan 2.  Kinabibilangan ang mga ito ng plant tissue culture laboratory, plant nursery, at food/fruit processing laboratory na pawang sumailalim sa rehabilitasyon at ang solar power system ng istasyon na may kabuuang halaga na mahigit P14.4M.

Ikinatuwa nina BAR Director Mamaril at BPI Asst. Dir. Yago ang pag-usbong ng calamansi extract processing facility sa Oriental Mindoro na nagiging daan anila para magkaroon ng hanapbuhay hindi lamang ang mga magsasakang nagtatanim ng calamansi kungdi maging ang mga manggagawa sa loob ng nasabing pasilidad.

Binisita rin ng dalawang opisyal ang Philippine Rural Development Project (PRDP) na Calamansi Trading Center sa Bayanan II, Calapan City kung saan sa pakikipagpulong nila sa  kinatawan ng KLT Fruits Inc. na si Leo Jalando-on, Production Supervisor, ay ibinahagi ng dalawa ang malaking potensyal ng proyekto hindi lamang sa pagproseso ng calamansi extract kungdi maging ng essential oil mula sa final waste product ng calamansi.  Naging bahagi rin ng usapan ang expansion ng nasabing processing facility na ayon sa KLT ay mainam kung malapit na sa farmers ang mairerekomendang lokasyon ng lokal na pamahalaan at DA. Benepisyaryo ng Calamansi Trading Center ang Naujan Farmers Association (NAFA) habang naging business partner naman nila ang KLT Fruits, Inc.

Samantala, isa – isa rin nilang pinuntahan ang ilang plant nurseries sa mga bayan ng Bongabong, Roxas at Victoria upang tiyakin na BPI accredited ang mga ito at rehistrado ang kanilang mga binebentang pananim bilang kasiguruhan na malinis ang kanilang mga planting materials.

Image

Republic of the Philippines

All content is in the public domain unless otherwise stated.

About GOVPH

Learn more about the Philippine government, its structure, how government works and the people behind it.