Dalawampu’t tatlong (23) barayti ng hybrid rice ang bumida ngayon sa derby ng ikalawang Hybrid Rice Technology Demonstration ng Department of Agriculture (DA) –MiMaRoPa Rice Program sa probinsiya ng Occidental Mindoro.
Nasaksihan ang pintog at tingkad ng iba’t ibang barayti ng palay na nakatanim sa 46 ektaryang sakahan ng humigit-kumulang sa 450 na mga magsasaka mula sa mga bayan ng Calintaan, Abra de Ilog,Paluan, Mamburao, Sta. Cruz, Sablayan, Rizal, San Jose at Magsaysay sa ginanap na Farmers Field Day nitong ika-anim ng Oktubre. Ito ay pinatulung-tulungang alagaan ng 10 hybrid seed companies at 24 farmer cooperators. Ang mga kompanyang ito ay ang Leads Agri, Corteva Agriscience, SL Agritech Corporation, Tao seeds, Bayer Cropscience, Longping, Bioseed, Syngenta, Seedworks, at Green And Grow Technologies, Inc.
Katuwang din dito ng kagawaran ang lokal na pamahalaan ng Calintaan, Occidental Mindoro kasama Provincial Agriculture Office at mga Municipal Agriculture Office ng nasabing bayan.
Masayang ibinalita naman ni Dr. Santiago Obien, DA Senior Consultant at dating Executive Director ng PhilRice, maganda ang naging bunga ng Derby sa Calintaan. Aniya mas maganda pa di umano ang derby ng Calintaan, Occidental Mindoro kumpara sa una niyang nasaksihan.
Pasasalamat naman ang ipinaabot ng Mayor ng Calintaan na si Hon. Dante C. Esteban sa DA at sa mga dumalo sa aktibidad na ito. Saad niya na malaking bagay sa bayan ng Calintaan lalo na sa mga magsasaka ang makakita ng mga ganitong gawain upang mahikayat sila na magtanim ng hybrid.
Nagpasalamat din si. Gng. Luzviminda Yadao ng Provincicial Agriculture Office ng Occidental Mindoro sa pagdalo ng mga magsasaka sa gawaing ito dahil malaking tulong ito upang malaman ng probinsya kung anong hybrid na binhi ang ipamimigay sa mga magsasaka.
Sa kabilang dako, nagpasalamat si G. Raulito Ramirez, isang farmer cooperator mula sa Calintaan, sa pagkakaroon ng pagkakataon ng maging isang instrumento na maipakita sa kapwa niya magsasaka ang kagandahan ng teknolohiyang dulot ng pagtatanim ng hybrid seed.
Ayon kay Ramirez, “naging maganda ang aking ani sa tinanim kong hybrid dahil na din sa walang sawang tulong ng mga masisipag na technician sa aming lugar. Noong tamaan ng sakit ang aking palayan ay agad na tumulong sa akin ang mga technician upang magamot ang mga palay at makahabol sa pag-harvest sa panahon ng derby.”
Sa kabuuan ay naging maganda at makabuluhan para sa mga magsasakang nakadalo sa derby ang kanilang mga nasaksihan at natutunang teknolohiya mula sa mga technician ng mga seed company.