Matagumpay na idinaos ang ikawalong (8th) Regional Organic Agriculture Congress sa MIMAROPA matapos itong matigil pansamantala dahil sa pag-iingat sa COVID-19 pandemic. Nitong ika- 12 hanggang ika-15 ng Hulyo dinaos ang pagtitipon sa Filipiniana Hotel, Calapan City, Oriental Mindoro.
Dahil sa lumuluwag na protocol para sa COVID-19, napagsama-samang muli ang mga organic practitioner sa buong rehiyon kasama ang mga focal person ng bawat local government unit at ng mga Provincial Agriculture and Fishery Council at iba’t ibang State University sa mga probinsiya. Tinatayang nasa 150 ang dumalo sa aktibidad.
Mainit na tinanggap ang mga bisita ng bagong halal na alkalde at bise-alkalde ng Lungsod ng Calapan na sina Hon. Malou Morillo at Hon. Rommel “Bim” Ignacio. Sila ay nagpahiwatig ng kanilang suporta para sa organic agriculture.
“Napakalaki ang papel ng pamahalaan para umabot sa mga pinakamarami ang kalahagahan ng benepisyong dulot ng organic program. Hindi lang po ito ang usapin ng pagkakaroon ng masustansiyang pagkain sa ating hapag kundi ang pagkakaroon ng komprehensibong programa makakaapekto sa kabuhayan at kagalingan ng ating mga mamamayan,” pahiwatig ni Mayor Malou sa kanyang mensahe.
“Sa dami ng sakit na nakukuha natin talagang napapanahon itong organic agriculture. Ako po ay interesadong malaman kung gaanu kalaki na ang organic agriculture sa aming bayan. Sa dami ng mga sakit ito na po ang mga hinahanap-hanap. Sa tingin ko dapat mas mabigyan ng mas maraming budget ang ating development sa mga organic product ,” pahayag ni Vice Mayor Bim sa kanyang mensahe.
Samantala, kinatawan naman ni Provincial Agriculturist Christine Pine si Governor Humerlito “Bhonz” Dolor sa pagbubukas ng aktibidad. Kanyang binigyan diin ang paggamit ng biofertilizer bilang alternatibong abono sa nagmamahalan na synthetic na abono.
“Maraming hamon ang kinakaharap ng agrikultura, nandiyan ang climate change, pagtaas ng agricultural commodities natin, at patuloy na pagtaas ng production inputs lalo na ng abono dala ng giyera ng Russia at Ukraine. Naniniwala po ako na ang organic agriculture ang susi sa hamon na ito sa pamamagitan ng pagtatag ng lokal na produksiyon ng biofertilizer katulad ng bio-n,trichogram, trichoderma…Ito ang paraan para magkaroon ng alternatibo na mas murang abono para sa ating mga produkto,” kanyang pagpapabahagi.
Opisyal naman na binuksan ang aktibidad ni AMAD Chief Celso Olido bilang kinatawan ni Regional Executive Director Antonio Gerundio. Ang kanyang mensahe ay sumentro sa pagsasaliksik ng mga datos ukol sa organikong pagsasaka upang masusing mapag-aralan kung paano magiging sustainable ang pagpoprodyus ng mga organikong produkto at maipamahagi ang tamang impormasyon sa mga magsasaka.
Ayon kay Michael Graciano Iledan, Regional Organic Agriculture Congress Focal Person, ang ROAC ay taunang ginaganap ng Kagawaran ng Pagsasaka-MIMAROPA o ng DA-MIMAROPA alinsunod sa Republic Act No. 10068 o ang Organic Agriculture Act of 2010. Sama-samang inoorganisa ito ng Regional Organic Agriculture Program, Agribusiness and Marketing Assistance Division, at Regional Agriculture and Fisheries Information Section.
Ang tatlong araw ng ROAC ay tumutok sa mga profile, mga natagumpayang proyekto ng bawat probinisya, mga nakalatag na pagpapaunlad ng mga proyekto para sa organikong pagsasaka at exhibit ng mga iba’t ibang organik na mga produkto na ginawa ng mga magsasaka mula sa iba’t ibang probinisya ng rehiyon.
Naging daan din ang pagtitipon upang talakayin ang mga estratehiya para sa pagpapaunlad ng industriya ng organikong pagsasaka kasama ang mga importanteng stakeholder ng sektor. Dito napakinggan ang suhestiyon at hinaing ng bawat delegasyon kung saan malaki ang magiging tulong upang makagawa ng mas naaayon na mga proyekto base sa pangangailangan ng bawat probinsiya.