Isandaang (100) magsasaka sa bayan ng Victoria, Oriental Mindoro ang sasailalim sa Farmers’ Field School (FFS) on Production of High-Quality Inbred Rice, Seed Certification, and Farm Mechanization sa pagtutulungan ng Department of Agriculture (DA) at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) na opisyal na sinimulan a-uno ng Hunyo, 2021 sa Regional Integrated Agricultural Research Center (DA-RIARC), Barangay Alcate sa nasabing munisipalidad.
Ito ay ikalawang batch na ng FFS sa ilalim ng programa. Dahil sa banta ng kasalukuyang pandemya at upang masunod ang social distancing, hinati sa apat na grupo ang mga estudyante kung saan 25 kada araw mula Martes hanggang Biyernes ang pupunta sa RIARC para mag-aral.
Nagkaroon din sila ng online training ukol sa COVID-19 Measure in the Workplace bilang paghahanda at pag-iingat, ito rin ay isa sa mga kinakailangan upang makapasok sa FFS.
“Upang maging kwalipikado sa programa, bukod sa documentary requirements ay kailangang kabilang sila sa Registry System for Basic Sector in Agriculture (RSBA) at nakumpleto nila ang dalawang TESDA Online Programs na Performing Solid Waste Management in the Workplace at Practicing Covid-19 Measure in the Workplace,” pagpapaliwanang ni TESDA Training Manpower Information System (T2MIS) Focal Jorge Hernandez.
Sa nasabing programa, sagot ng TESDA ang training expenses ng mga farmer students habang sa DA MIMAROPA naman ang pasilidad at mga tagapagsanay. Ayon kay T2MIS Hernandez, kabilang sa mga benepisyo ng bawat estudyante ang training allowance na P160.00 bawat araw; libreng health essentials; internet allowance para sa blended learning; at one-year GSIS insurance coverage.
Mag – aaral ang mga magsasaka sa loob ng 17 linggo kung saan ang huling tatlong linggo ay ilalaan sa entrepreneurship development.
“Hangad namin na patuloy kayong umangat ang pagsasaka, ang production ng lahat ng ani lalo na ang pagpapalay,” mensahe ni APCO Coleta C. Quindong na siya ring pinuno ng DA-RIARC.
“Sa ilalim ng Rice Extension Service Program ay may mga programa na nagbibigay ng skilled training program upang mapataas ang kalidad ng ani sa tulong ng makabagong makinarya at sensiya,” ani naman T2MIS Focal Hernandez.
Positibo naman ang mga magsasakang estudyante sa pagpasok sa FFS kung saan inaasahan anila na maraming kaalaman ang matutunan nila mula dito.
“Inaasahan namin na marami kaming matutunan sa tamang pagtatanim ng palay dito. Maturuan kami ng makabagong paraan sa pagtatanim ng palay at mabigyan ng tulong ng Department of Agriculture sa aming mga palayan dahil ang mga kailangan namin ay magandang supply ng tubig, pag-aabono at akmang variety sa aming lugar,”pahayag nina Mario Mendoza at Nestor Mendoza, mga magsasaka mula sa Brgy. Antonino, Victoria.
Agad namang sinimulan ang klase ng mga magsasaka matapos silang sumailalim sa oryentasyon. Pakiusap ng DA at TESDA sa mga ito, sikapin na kumpletuhin ang lahat ng sesyon at iwasan ang pagliban sa klase, online man o face to face.