Humigit kumulang sa 400 na magsasaka ang dumalo sa kauna-unahang Hybrid Rice Technology Demonstration sa Brgy. Magsikap, Rizal, Occidetnal Mindoro noong ika-31 ng Marso 2022.
Ang sakop ng techno demo ay umaabot ng 41 ektarya na kinapapalooban ng mga barayti ng hybrid rice mula SL Agritech Corporation, Longping Tropical Rice Development, Inc., Bioseed Research Philippines, Tao Foods Company Inc., Bayer Cropscience Inc., Corteva AgriScience Philippines Inc., at Leads Agri.
Kasamang dumalo sa pagtitipon sina Mayor Ernesto “Sonny” Pablo, Jr. ng bayan ng Rizal, Municipal Agriculturist Jehu Michael Q. Barrientos, Agricultural Program Coordinating Officer (APCO) Eddie Buen at Regional Rice Program Focal person Ma. Theresa Aguilar.
Binigyan ng mainit na pagbati ni Mayor Pablo ang mga dumalo sa Techno Demo at nasaksihan din ng alkalde ang ganda ng mga hybrid na barayti.
Sinagot naman ni Regional Rice Program Focal Person Aguilar ang komento ng mga magsasaka ukol sa pagtaas ng binhi. Aniya, Hindi kayang kontrolin ng pamahalaan ang pagtaas ng presyo ng mga abono dahil sa nag-aangkat lamang tayo nito sa ibang bansa kagaya ng China.
Dagdag pa niya na isa ang fertilizer voucher assistance sa mga inihaing solusyon ng kagawaran upang maibsan kahit papaano ang bigat ng gastusin ng mga magsasaka dahil sa taas-presyo ng abono.
Samantala, ibinahagi naman ng bawat kinatawan ng mga hybrid seed company ang kanilang pambatong barayti ng binhi. Ipinaliwanag din nila sa bawat magsasaka na dumalo kung papaano aalagaan hanggang sa maani ang mga hybrid na binhi.
Labis na ikinatuwa ng mga farmer cooperator ang techno demo na ito dahil ang lahat ng maaani ay sa kanila din mapupunta. Bukod pa roon ay natuto pa sila ng makabagong teknolohiya sa pagsasaka na magagamit nila sa hinaharap.
Ayon kay G. Felix Asuncion, isa sa mga farmer cooperator, masaya siya sa nakita niyang laki ng ani ng kanyang lupain. “Talaga pong natuwa ako sa nakita kong ganda at dami ng ani ng hybrid na binhi. Nagpapasalamat ako sa DA at mga hybrid seed company dahil nabigyan ako ng pagkakataon na maranasan ang ganda ng ani na dulot ng teknolohiya ng hybrid rice,” wika niya.
Ninanais ng Regional Rice Program na idaos pa sa ibang mga munisipyo sa bawat probinsyang pinagdausan ng Techno Demo upang mas mailapit sa mga magsasaka ang kaalaman ukol sa hybrid rice.