Hinahanda na rin ng High-Value Crops Development Program (HVCDP) ng Department of Agriculture-MIMAROPA (DA-MIMAROPA) ang mga kinakailangan para sa Gulayan sa Paaralan bilang pagsalubong sa darating na Face-to-Face classes.
Namahagi ang HVCDP ng mga kagamitang pangsaka at binhing gulay sa Department of Education Schools Division Office-Palawan (SDO-Palawan) bilang parte ng nabanggit na programa, ika-11 ng Hulyo . Matatanggap ng bawat paaralan ang tigdadalawang sprinkler, hand sprayer, pala,kalaykay, at asarol. Tigtatatlong unit naman bawat paaralan ng hand cultivator, at plastic trowel.
Ang mga nasabing kagamitan ay ipapamahagi naman ng SDO-Palawan sa 20 paaralan sa probinsiya na kanilang sinuri at sinigurado na mayroong lugar na maaaring pagtamnan at may kakayahang maitaguyod ang gulayan ng pangmatagalan.
Dahil dito, nagbigay ng pasasalamat si Division Gulayan sa Paaralan Program (GPP) Coordinator James Roin V. Manlavi.
“Ang mga kagamitan at binhi na binigay sa DepEd ay malaking tulong para sa establishment at re-establishment ng Gulayan sa Paaralan. Ito ay makakatulong sa pag-develop ng karakter at kaalaman ng mga mag-aaral lalo na’t babalik tayo sa face-to-face classes. Ito po ay lubos na makakatulong lalo na na-realize nitong nag-pandemic na mahalaga na may aanihin tayo,” wika ni G. Manlavi.
Samantala, nitong ika-13 ng Hulyo ay nakatanggap din ang Schools Division Office sa Puerto Princesa City (SDO-PPC) ng parehong interbensiyon na ipapamahagi naman sa walong (8) paaralan sa loob ng lungsod.
Layon ng programang ito na mahikayat ang mga mag-aaral na magkahilig sa agrikultura partikular sa pagtatanim ng gulay. Gayundin ay mahikayat ang mga guro na makatulong sa pagsulong ng sustainable agriculture sa pamamagitan ng pagkakaroon ng sariling taniman ng gulay.
Pinangunahan ni Palawan Agricultural Program Coordinating Officer Vicente A. Binasahan, Jr. ang pamamahagi kasama ang mga kinatawan mula sa SDO-Palawan na sina OIC-Assistant Schools Division Superintendent Arnaldo G. Ventura, Chief Education Supervisor Felina P. Padrones, Education Program Supervisor Eric N. Quillip, Division GPP Focal James Roin V. Manlavi , at Supply Section staffs Leslie A. Bascongada at Christian Fel C. Abrina. Kasama din ang mga Palawan HVCDP staff.
Tinanggap naman ng mga kawani ng SDO-PPC na sina Marites P. Perez, OIC-Schools Division Superintendent; Ambrocio E. Escorpiso, Education Program Supervisor - SGOD; Armando C. Bonbon, Senior Education Program Specialist for Social Mobilization & Networking; Cristina C. Ferriol, Education Program Specialist II for Social Mobilization & Networking; Irwin P. Nangit, Project Development Officer I; Annie Clair L. CamangeG, Project Development Officer I; at ni Grace Tabangay Principal of Labtay E/S Emmanuel Sabay at GPP Coordinator ng Sta. Monica High School ang mga kagamitan.