News and Events

Hog raisers sa Marinduque na lubhang naapektuhan ng ASF, tumanggap na ng interbensyon mula sa DA-MIMAROPA
Masayang tinanggap ng isa sa mga benepisyaryo sa bayan ng Gasan ang sentinel pig na may bigat na 15 hanggang 20 kilos.

Hog raisers sa Marinduque na lubhang naapektuhan ng ASF, tumanggap na ng interbensyon mula sa DA-MIMAROPA

Ipinamahagi na ng Department of Agriculture – MIMAROPA Livestock Program ang sentinel pigs at hog feeds sa mga mamamayan sa Marinduque na lubhang naapektuhan ng African Swine Fever (ASF) noong 2021-2022. Alinsunod ito sa DA Administrative Order No. 6 series of 2021 bilang paunang hakbang sa recovery at rehabilitation ng industriya ng pagbababuyan sa nasabing probinsya.

Sa ikalawang batch ng pamamahagi ng nasabing interbensyon, tinatayang nasa 180 na baboy at 360 na sako ng feeds ang ipinagkaloob sa 60 hog raisers sa bayan ng Gasan habang 360 na baboy at 720 ng hog feeds ang naipamigay sa 120 magbababoy sa Buenavista. Matatandaan na nauna nang maipamahagi ito noong Setyembre 11-12, 2023 sa bayan ng Torrijos at Sta. Cruz na kung saan may kabuuang nasa 150 ang naging benepisyaryo nito sa nasabing lugar.

Pinangunahan naman ang aktibidad ng mga kawani ng kagawaran sa pangunguna ni Agricultural Provincial Coordinating Officer (APCO) Dr. Lucila Vasquez ng Marinduque at Livestock Provincial Coordinator Cyril Jem Gumba kasama ang mga APCO staff, Livestock Program staff at kinatawan mula sa Municipal Agriculture Office (MAO). Ang bawat isa ay tumanggap ng tatlong sentinel pigs na may bigat na 15-20 kilos, anim na sako ng hog feeds (2 starter & 4 grower), at bitamina (Vetracin Gold & Apralyte) na kanilang gagamitin bilang panimulang muli sa kanilang pagbababuyan.

Kaugnay dito, nagpaabot naman nang lubos na pasasalamat ang lahat ng benepisyaryo na nakatanggap ng mga nasabing interbensyon kabilang na si Ramon Saci Mansalapus, Barangay Chairman ng Brgy. Matandang Gasan.

“Ako po ay taos-pusong nagpapasalamat sa Department of Agriculture sa mga binigay nilang baboy dito sa amin, sa lalawigan ng Marinduque. Ito ay malaki ang maitulong, malaki ang ma-i-ambag sa amin”, ayon kay Kapitan Mansalapus.

Upang matiyak na ligtas ang mga baboy sa ASF virus, ang nasabing sentinel pigs ay masusing dumaan sa laboratory examination at pagkalipas ng 40 araw ng pag aalaga, muling kukuhanan ng dugo ang mga ito para malaman kung naapektuhan sila ng ASF virus.

Inaasahan ng DA-MIMAROPA ang sama-samang pakikipagtulungan ng mga stakeholders upang ibalik ang sigla ng swine industry sa lalawigan ng Marinduque.

“Ito po ay pagtutulungan nating lahat, hindi lang kami sa Department of Agriculture, hindi lang galing sa Municipal Agriculture Office, tayong lahat ay dapat magtulong-tulong upang maging ASF-free ang Marinduque. Magtulong-tulong po tayo upang manumbalik ang sigla ng industriya ng pagbababuyan sa ating lugar”, saad ni APCO Dr. Vasquez.

Samantala, sa pangunguna ng Livestock Program staff, nagsagawa naman ang mga ito ng cleaning at disinfection sa bayan ng Boac at Mogpog na kung saan nakatakda namang mamahagi dito ng naturang interbensyon bago matapos ang buwan ng Oktubre ngayong taon.

Image

Republic of the Philippines

All content is in the public domain unless otherwise stated.

About GOVPH

Learn more about the Philippine government, its structure, how government works and the people behind it.