Matagumpay na naisagawa ng Kagawaran ng Pagsasaka – MIMAROPA Region ang pamamahagi ng Php 55,445,000.00 na halaga ng pinansiyal na tulong mula sa Rice Farmers Financial Assistance (RFFA) Program sa ilalim ng Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF) para sa mga magsasaka ng palay sa lalawigan ng Occidental Mindoro noong October 4-8, 2022.
Tinatayang nasa 11,089 na magsasaka ang nakatanggap ng Php 5,000 na pinansiyal na tulong mula sa mga bayan ng Abra de Ilog (767), Paluan (229), Mamburao (831), Sta. Cruz (1527), Sablayan (3807), Calintaan (911), Rizal (752), San Jose (1527) at Magsaysay (738).
Ang RFFA ay nabuo dahil sa taripang nakuha mula sa Rice Tarrification Law na kung saan ang taripang makukuha mula sa pag-aangkat ng bigas mula sa ibang bansa ay gagamitin sa pagpapalakas ng sektor ng agrikultura.
Ang pamamahagi ay sa tulong ng Universal Storefront Services Corp. (USSC) partners na kung saan pwedeng ring mag-withdraw o maglabas ng pera ang isang magsasaka sa anumang branch nito sa Pilipinas.
Muli namang ipinaalala RFFA Focal Person Maria Teresa Carido ng Rice Banner Program ang tatlong kwalipikasyong upang maging benepisyaryo ng programa: Una ay dapat magsasaka ng palay; pangalawa ay nagsasaka ng dalawang (2) at mas mababa pang ektaryang palayan; at pangatlong dapat rehistrado sa Registry System for Basic Sectors in Agriculture (RSBSA).
“Ang Php 5,000.00 cash assistance ay bigay sa magsasaka at karapatan nila kung saan ito gagamitin ngunit amin pong inirerekomenda na gamitin ito sa pagbili ng pataba, pestisidyo, pambayad sa mga nagtatrabaho sa sakahan at iba pang pangangailangan sa pagsasaka ng palay,” sabi ni RFFA Focal Person Gng. Carido.
“Napaka-timing ng pagbibigay ng DA dahil nitong mga nakaraang araw ay malakas ang buhos ng ulan, maraming magsasaka ang kailangan ng tulong. May mga nagha-harvest na at maraming palay ang nabasa. The Php 5,000 financial assistance will greatly help them para maka-recover at makapagsimula muli”, wika ni Mayor Ma. Gloria Montenegro-Constantino ng Abra de Ilog.
Nagpapasalamat naman si Municipal Agriculturist Jehu Michael Barrientos mula sa bayan ng Rizal sa lahat ng mga interventions na ibinibigay para sa kanilang mga magsasaka. Ayon sa kanya, malaking bagay ito sa pagpapa-angat ng kabuhayan ng bawat magsasakang nakakaranas ng pagbagsak dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga input at mababang presyo ng palay.
“Malaking tulong po ito para sa aming mga maliliit na magsasaka. Maraming salamat po, napakalaking bagay nito dahil nakabawas po ito sa aming gastusin sa pagbili ng pestisidyo at pang-upa sa mga nag-spray. Ang DA po, simula ng itatag namin ang aming kooperatiba, ay isa sa umalalay sa amin at nakita ko ang pamamahal nila [DA] sa amin,” pasasalamat ni G. Solomon B. Cuaresma, Chairman ng Armado Cabacao Farmers Multipurpose Cooperative, mula sa Brgy. Cabacao, Abra de Ilog.
Hinihikayat naman ang lahat ng benepisyaryo na ingatan ang Intervention Monitoring Card (IMC) dahil ito ay naglalaman ng kanilang account number, RSBSA number at Quick Response (QR) Code. Ito ay maaari gamitin muli sa pagtanggap ng mga susunod pang cash assistance mula sa kagawaran.
Ang pamamahagi ay pinangunahan ni Agricultural Program Coordinating Officer Eddie Buen at dinaluhan naman ni Congressman Leody Tarriela, Governor Eduardo Gadiano, mga punong bayan at Municipal Agriculturist.