Sa kabila ng malakas na bugso ng ulan dahil sa habagat at pagpasok ng bagyong Ferdie sa bansa ay matagumpay pa ring naisagawa ngayong araw sa Occidental Mindoro ang pamimigay ng interbensyon o PBBM Agri-Serbisyo para sa kapatid na katutubo at mga magsasaka at mangingsida. Kasabay nito ng pagdiriwang ng kaarawan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. at linggo ng malasakit sa kalikasan kaugnay sa Civil Service month-long activities.
Ang mga katutubong Alangan sa probinsya ay aktibong nakilahok sa pagtatanim ng puno ng niyog bilang bahagi ng tradisyon at responsibilidad sa kalikasan. Naisagawa ito sa Sitio Pandalagan, Brgy. San Agustin sa Sablayan kasama ang mga kawani ng kagawaran at lokal na pamamahalaan.
Kabilang sa interbensyong natanggap ng mga kapatid na katutubo na nagkakahalaga ng Php 138,275.00 ay: 100 pirasong hybrid coconut seedlings mula sa DA-Philippine Coconut Authority (PCA); 100 pirasong coffee seedlings mula sa Oriental Mindoro Experiment Station (ORMAES); 500 pirasong cassava cuttings at 45 bags ng flint corn seeds mula sa Corn Program; at 100 food packs na naglalaman ng bigas, asukal, kape, sardinas at noodles.
Sa ngalan ng kanyang mga kapwa katutubo, nagpasalamat naman si Gng. Josie Kabantugan, Chairperson ng Malno-Luwalhati Farmers Association, sa pangulo at kagawaran sa mga natanggap na interbensyon.
“Ito ang unang pagkakataon na nangyari ang ganitong aktibidades sa aming asosasyon. Ipinangako namin na itatanim ang mga ito sa tamang lugar, aalagaan at payayabungin,” wika niya.
Ibinahagi naman ni G. Mayomi Casison na nakatanggap na rin sila ng mga kalabaw, mga vegetable and palay seeds, at mga kagamitang pambukid mula sa DA na lubos na nakatulong at talagang nakagaan sa kanilang pang araw-araw na gawain sa bukid.
Nagkaroon rin ng pamamahagi ng higit Php 1.4 milyong interbensyon sa Evacuation Center sa Mamburao. Kabilang sa mga ipinamigay sa mga asosasyon at kooperatiba sa probinsya ang: 300 packs organic farm supplements, 250 bottles ng inorganic foliar fertilizer, isang (1) multi-cultivator, limang (5) pump and engine sets, assorted vegetable seeds, at 115 cards ng fuel assistance. Nagkaroon rin ng KADIWA sa palibot ng capitol grounds kung saan nabibili ang mga sariwang isda, gulay, bigas, itlog at iba pang produkto use mula sa mga kooperatiba.
Sa mensahe ni DA MIMAROPA Regional Executive Director Atty. Christopher R. Bañas na inihatid ni OIC-Regional Technical Director Dr. Nanette Rosales at Agricultural Program Coordinating Officer Eddie Buen, hinikayat nila ang mga benepisyaryo na pangalagaan at pagyamanin ang mga interbensiyon na natanggap upang tuloy-tuloy ang kanilang pag-usbong at mangyaring matupad ang pagtaas ng kanilang produksiyon at maabot ang kasapatan sa pagkain sa bansa.
Ayon naman kay OIC-RTD Rosales, ang pagsumite ng proposal sa DA ay kinakailangang may pang-unawa sa pag-aantay ng matatangap dahil ito ay iba-validate pa at ipo-propose ang katumbas na halaga. Hindi maaari na ngayon ibibigay, bukas ay deliver na. Hinimok niya rin ang mga katutubo na magparehistro sa Registry System for the Basic Sectors in Agriculture (RSBSA) upang makatanggap rin ng mga benepisyong natatanggap ng ibang mga magsasaka.
Binigyan naman ng isang mainit na pagbati ni Governor Eduardo B. Gadiano ang pangulo. Ayon sa kanya, malaking bagay ang ginawang ito ng pangulo na sa kanyang kaarawan ay isinabay niya ang pamimigay tulong pa sa mga magsasaka.
"Ngayon lang nangyari na kung sino pa ang may kaarawan ay siya pa ang nagbigay sa atin ng mga biyaya imbis na tayo ang magbigay sa kanya ng regalo. Kaya naman po sa mahal nating pangulo, maraming salamat po at maligayang kaarawan,” ani Gov. Gadiano.
Ayon naman kay Gng. Nelly Alcantara, Chairperson ng Mabunga Farmers Association mula Brgy. Cabacao, Abra de Ilog, malaking tulong ang kanilang natanggap nilang multi-cultivator dahil mas mapapadali na ang kanilang trabaho sa bukid at mas maraming binhi ng gulay ang kanilang maitanim.
Kabilang sa mga dumalo at naki-isa sa Sablayan ay sina: San Agustin Barangay Captain Gregorio Dunwan; mga kawani ng LGU- DA Sablayan sa pangunguna ni Peter Gallinera na kinatawan ni Mayor Walter "Bong" Marquez; Albert Serano ng Phil. National Police (PNP) Special Action Force (SAF); at mga kawani ng DA MIMAROPA.
Samantala, dumalo rin sa aktibidad sa Mamburao sina: Vice Gov Diana Apigo- Tayag; G. Xernan Toledo na kinatawan ni Cong. Leody Tarriela, BM Ainah Baticados, BM Ryan Sioson, DILG Regional Director Karl Caesar Rimaldo CESO III, TESDA Occidental Mindoro Acting Director Marissa Lagar, DILG Provincial Director Juanito D. Olave Jr. CESO V, Provincial DOH Officer Dr. Michael Enarbia, Mylene Lleno mula sa DOLE, Dr. Normita Guerrero mula sa DTI, at iba pang kinatawan mula sa PHILHEALTH, PSA, NIA, PNP, AFP, PESO.
Ang aktibidad na isinagawa ay isang hakbang ng pamahalaan upang mas maiparamdam ang suporta sa mga mamamayan at pag-aalaga sa kalikasan. Ang pagkakaisa ng lahat para sa adhikaing ito ay isang napakahalagang sangkap upang maabot ang pag-unlad na pinapangarap ng ating bansa.