Limang daan at limampu’t tatlong (553) magsasaka sa Oriental Mindoro ang natuto sa mga serye ng iba’t ibang pagsasanay na isinagawa ng High-Value Crops Development Program (HVCDP) sa ilalim ng Extension Support, Education, and Training Services (ESETS) ng programa mula Hunyo hanggang Oktubre, taong kasalukuyan.
Layunin nito na bigyan ng karagdagang kaalaman ang mga magsasaka sa pagtatanim ng mga gulay, at prutas tungo sa mas produktibong pagtatanim at mas mataas na ani at kita. Kabilang sa mga isinagawang pagsasanay ang mga sumusunod:
- Training on Commercial Vegetable cum Good Agricultural Practices (GAP) na nilahukan ng 315 na mga magsasaka mula sa mga bayan ng Puerto Galera, San Teodoro, Baco, Gloria, Bansud, Bongabong, at Calapan City;
- Training on Cacao Production cum GAP para 60 mga nagtatanim ng cacao sa mga bayan ng San Teodoro, Pola, at Baco;
- Training on Calamansi Production Technology na dinaluhan ng 90 calamansi farmers mula sa Bongabong, Pola, at San Teodoro;
- Urban Gardening cum GAP na dinaluhan naman ng 28 kababaihan mula sa Calapan City at;
- Training on Onion Production cum GAP na nilahukan ng 60 mga nagtatanim ng sibuyas sa bayan ng Bulalacao.
Tinuruan ang mga magsasaka mula sa tamang paghahanda ng mga taniman, tamang pagpili ng mga pananim at paglalagay ng mga angkop na pataba, pamamahala ng mga peste at sakit, paggawa ng mga organikong pataba at pamatay peste, pag-aani at iba pa. Kasabay rin nito ang pagtuturo ng mga angkop at tamang pamantayan sa pagtatanim tungo sa produksiyon ng ligtas at masustansiyang mga gulay at prutas sa pamamagitan ng GAP ganon rin ang proseso at mga panuntunan sa Civil Society Organization (CSO) accreditation na isa sa mga kailangan upang maging benepisyaryo ng ibang mga programa at proyekto ng Kagawaran ng Pagsasaka. Naisakatuparan ang mga nabanggit na pagsasanay sa tulong ng Municipal Agriculture Office (MAO) ng bawat bayan.
Nagpahayag naman ng pasasalamat ang mga magsasaka at mga high-value crops coordinators sa programang ito lalo na sa pagsasagawa ng ilan sa mga pagsasanay sa mismong lugar ng mga partisipante.
“Nagpapasalamat po ako sa DA, sa regional office staff dahil dito nila sa barangay ginawa ang training dahil kapag ganito ang setup ng training (ay) mas marami po ang nakaka-attend kumpara sa magtatravel sila papunta sa ibang lugar dahil iyong transportation expenses ang isa sa mga dahilan bakit hindi nakakadalo. Sa ganito pong pamamaraan ay mas marami ang nakakapunta para mas marami silang matutunan sa pagtatanim ng gulay,” pahayag ni Vernalisa Villahermosa, Agricultural Technologist at HVCDP coordinator ng MAO Bongabong.
“Ako po ay nagpapasalamat sa Dept. of Agriculture na naghatid ng training sa farmers ng SAMAKA at LEAD ng Brgy. Cambunang. Isa ito sa kanilang magagamit sa tamang paglagay ng abono at maiwasan ang paggamit ng mataas ng kemikal sa pananim para sa kaligtasan ng mamayan. Maraming salamat po sa binigay ninyo na serbisyo at saludo po ako sa mga taga Department of Agriculture,” mensahe naman ni Kap. Alma M. Nool ng Barangay Cambunang, Bulalacao.
“Nagpapasalamat po ako sa DA MIMAROPA sa ganitong training dahil nabuksan ang aming isipan sa paggamit ng organikong pataba sa gulayan. Malaki po ang gastos sa inputs lalo na sa synthetic na abono pero ngayong narealize namin na meron palang organic na abono mula sa mga bagay na nasa ating paligid ay siyempre makakamenos tayo ng gastusin lalo na at mahirap ang panahon ngayon,” saad naman ni Dominic G. Dadole, kasapi ng Malayong Farmers Association sa bayan ng Gloria.
Ang pagsasagawa ng mga pagsasanay para sa mga magsasaka ay bahagi ng regular na programa ng HVCDP kada taon at nakatakda ang mga on-site training sa rehiyon sa 2023.