Katuwang ang unang Mangyan Priest Father Gabayno Oybad at ang lokal na pamahalaan ng Bulalacao, namigay ang Kagawaran ng Pagsasaka (DA) sa pamamagitan ng Regional Integrated Agricultural Research Center (DA-RIARC) sa Kausahan Kalamalayan Hanunuo Mangyan (KKHM) ng 1031 Robusta coffee planting materials, 5 kalaykay, 5 lagadera, 5 dulos, 5 kalahig, at 40 kilo ng certified palay seeds sa Sitio Banaba, Brgy. Benli, Bulalacao, Oriental Mindoro kamakailan.
Ang inisyatibo ay bunga ng pakikipag-ugnayan ng Philippine Army sa iba’t ibang LGUS at ahensya ng pamahalaan kabilang ang DA noong Agosto 7 hinggil sa suportang kinakailangan ng mga naninirahan malayo sa bayan tulad ng komunidad ng mga Hanunuong Mangyan sa munisipalidad ng Bulalacao sa panahon ng pandemya.
Layunin ng pamimigay na ito na mabigyan sila ng produktong agrikultural at mga materyales na mapapakinabangan nila nang pangmatagalan para pansariling konsumo o pangkabuhayan .
Wika ni Agricultural Program Coordinating Officer at Agricultural Center Chief Coleta Quindong ng DA-RIARC, “Beforehand pa, yung hindi pa required na mabigyang tulong ang mga katutubo, nandun na kami lagi, nagbibigay kami basta meron kami sa RIARC.”
Kalakip-bisig ang ibang mga kaparian tulad ni Fr. Nestor Adalia, Fr. Ewald Dinter, at ibang organisasyon tulad ng Mangyan Mission, naipamahagi ang mga nasabing kagamitan sa mga katutubo habang sinusunod ang mga panuntunang pangkaligtasan tulad ng pagsusuot ng face masks at pagsunod sa physical distancing.
Ayon kay Fr. Gabby na isa ring tubong Mangyan, masarap sa pakiramdam na napapaglikuran niya ang kaniyang pinanggalingan.
Kabilang sa mga dumalo sa aktibidad ay ang PAGO, mga lokal na tanggapan ng agrikultura, PENRO, BPI, DOST, at iba pa. Ang Hanunuo ay kabilang sa 8 pangkat ng mga Mangyan na Alangan, Bangon, Buhid, Iraya, Ratagnon, Tadyawan, at Tau-buid.