Isinagawa ng Department of Agriculture Regional Field Office - MIMAROPA Registry System for Basic Sectors in Agriculture (RSBSA) noong ika-24 hanggang ika-27 ng Hunyo ang 1st Training on the RSBSA Online Platform for Local Government Units na ginanap sa Calapan City, Oriental Mindoro.
Dinaluhan ito ng mga provincial updater, encoder, at coordinator ng RSBSA mula sa iba’t ibang probinsya sa MIMAROPA sa pangunguna ni RSBSA Focal Person Ronald Degala at kinatawan mula sa Municipal Agriculture Office (MAO) at pilot LGUs na kinabibilangan ng Roxas, Palawan, Calapan City, Oriental Mindoro, Rizal, Occidental Mindoro, Odiongan, Romblon, at Boac, Marinduque.
Nakiisa rin sa gawain si Oriental Mindoro Agricultural Program Coordinating Officer Artemio Casareno na kung saan malugod niyang tinanggap ang mga dumalo sa nasabing pagsasanay. Sa kaniyang naging mensahe, inaasahan niya na malaki ang maitutulong ng training na ito upang masolusyonan ang mga issues at concerns ng mga magsasaka sa RSBSA para makatanggap sila ng mga interbensyon mula sa kagawaran.
Sa loob ng apat na araw na pagsasanay, tinalakay dito nina Al John Acal, Peter Villasis at Bryan Kent Ong ng DA-Central Office Information and Communications Technology Service ang layunin at nilalaman ng bagong system na RSBSAPP-LGU pati na rin ang pangunahing tampok at kakayahan nito.
Ang nasabing system ay nagbibigay ng access sa LGU ang listahan ng mga rehistradong magsasaka at mangingisda sa kanilang lugar. Kasama dito ang pag-review at pagkumpirma ng impormasyon ng mga rehistrado bago iproseso ang deduplication procedure o ang paglilinis ng mga nauulit na datos. Mayroon ding functionality ito na kung saan maaaring i-upload ang mga ID at impormasyon tungkol sa parcel/farm bilang attachment sa system.
Nagbigay rin ng hands-on training ang mga resource speakers para sa RSBSAPP-LGU na kung saan ang web-based application na ito ay idinisenyo upang gawing mas episyente at digital ang mga proseso ng RSBSA para sa mga LGU Encoder, LGU Validator, at PLGU.
Bahagi rin ng pagsasanay ang mga tungkulin at access privileges ng mga Regional Validator at Regional Admin User, na nagbibigay sa bawat grupo ng kaalaman at kasanayan upang epektibong ipatupad ang RSBSA-APP LGU. Sa pamamagitan nito, siniguro ng NPMO-ICTS team na ang lahat ng mga gumagamit ay handang-handa na upang magamit ang system.
Pagkatapos nito, binigyan ng pagkakataon ang mga kalahok na ilahad ang kanilang mga isyu tungkol sa kakayahan ng platform, karanasan ng gumagamit, at pangkalahatang pagiging epektibo nito upang matukoy ang mga partikular na problema ng mga gumagamit, na nagresulta sa mga mungkahing pagpapabuti sa platform batay sa mahalagang feedback na natanggap.