Ipinamahagi na ng High-Value Crops Development Program (HVCDP) sa Hagupit Farmers Association at Gulayan sa Barangay ng San Juan sa bayan ng Bongabong, Oriental Mindoro ang mga kagamitang pantanim na nagmula sa Department of Agriculture (DA) – MIMAROPA. Pinangunahan ni Agricultural Technician II Ralph Chester Burgos ng HVCDP ang pamamahagi nito kasama si Municipal Agriculturist Gary Louie Sapinit at staff ng Municipal Agriculture Office (MAO).
Tinatayang nasa 40 rolls ng plastic mulch at 200 na seedling tray ang natanggap ng Hagupit FA habang isang unit ng hand tractor cultivator naman ang ipinagkaloob sa Brgy. San Juan na nagkakahalaga ng nasa humigit Php 245k. Masayang tinanggap ng mga miyembro ng naturang asosasyon at barangay ang mga nasabing interbensyon na lubos nilang magagamit sa kanilang mga taniman.
Ipinaabot naman ng mga benepisyaryo ng Hagupit FA ang kanilang taos-pusong pasasalamat sa mga kagamitan na kanilang natanggap dahil malaking katulungan anila ito para sa kanila. Dagdag pa dito, ipinarating din nila ang nais pa nilang interbensyon upang lalo pang umunlad ang kanilang samahan.
“Kami po ay higit na nagpapasalamat sa DA, sa MAO, sa aming technician dahil sa maraming biyaya na natatanggap po namin na napakalaking katulungan po sa mga maggugulay at sa crops namin. Gustong-gusto ko rin pong iparating sa pamunuan ng DA ang aming kahilingan na magkaroon kami ng traktora na pang-araro dahil kailangang-kailangan po ng aming maggugulay,” ayon kay Paula de Torres, presidente ng Hagupit FA.
“Bilang miyembro ng samahan, lubos po ang aming pasasalamat sa pamunuan sa mga kagamitan at tulong na ibinibigay ng DA sa aming barangay, sa aming magsasaka dahil ito po ay malaking tulong dahil dito po unti-unti naming natutugunan ang aming pangangailangang pang-araw-araw. Sana po ay ipagpatuloy ng DA ang pagsuporta sa mga magsasaka dahil dito po nagmumula ang ating kinakain araw-araw at yung mga request po sana ay matugunan dahil lubha itong makakatulong sa aming magsasaka,” saad ni Kapitan Francisco Almarez ng barangay Hagupit.
Sa kabilang banda, ipinarating rin ng mga opisyal ng Barangay San Juan ang kanilang pasasalamat sa cultivator na ipinagkaloob sa kanila na magagamit nila para sa kanilang gulayan sa barangay.
“Maraming-maraming salamat po sa Department of Agriculture na nagbigay sa amin ng cultivator sapagkat marami po itong matutulungan na aming kabarangay,” ayon kay Kagawad Juan Dagle.
“Lubos po akong nagpapasalamat sa DA sa binigay nilang cultivator na magagamit po namin sa pag-gagarden at sa iba pa po naming gagawin na taniman tulad ng gulayan, at ito po ay makakatulong sa Barangay San Juan, sa aking mga tao, sa aking mga kagawad at sa lahat ng naninirahan sa barangay,” dagdag naman ni Kapitan Virgilio Artillaga.
Samantala, bukod sa mga nasabing kagamitan, nagkaloob din ng HVCDP ng dalawang box ng iba’t ibang butong pananim sa MAO na ipamamahagi naman ng mga ito sa mga magsasaka na humihingi nito at nagtutungo sa kanilang tanggapan.