News and Events

Grand Field Day ng Technology Demonstration sa Hybrid Rice, idinaos sa Pinamalayan, Ormin
Larawan ng ilan sa mga dumalong magsasaka sa dalawang araw Grand Field Day sa Pinamalayan, Oriental Mindoro na kung saan ipinakita ang mga teknolohiya na dulot ng pagtatanim ng Hybrid Rice.

Grand Field Day ng Technology Demonstration sa Hybrid Rice, idinaos sa Pinamalayan, Ormin

PINAMALAYAN, ORIENTAL MINDORO. Idinaos sa bayan ng Pinamalayan, Oriental Mindoro ang Grand Field day ng Hybrid Rice Technology Demonstration na dinaluhan ng higit kumulang sa 1,300 na magsasaka mula sa bawat bayan ng probinsya.  Pinangunahan ito ng DA-MiMaRoPa kasama ang mga hybrid seed companies noong ika-16 hanggang ika-17 ng Marso 2022.

Kabilang sa mga lumahok na seed companies ay Syngenta, Longping Tropical Rice Development Inc., Bayer Cropscience Inc., Corteva AgriScience Philippines Inc., SL Agritech Corporation, Bioseed Research Philippines, Tao Foods Company, Advanta, at Seedworks Philippines Inc.

Ipinamalas sa kaganapang ito ang kagandahan ng pagtatanim ng Hybrid Rice at kung ano ang mga tamang pamamaraan ng paglalagay ng mga abono at pestisidyo upang masiguro ang masagaang ani at mataas na kita.

Dumalo din sa nasabing gawain ang Office of the Provincial Agriculturist (OPA) sa pangunguna ni PA Christine Pine. Ayon sa kanya, magandang pagkakataon ito upang maipakita sa mga magsasaka ang kagandahan ng pagtatanim ng Hybrid dahil mas Malaki ang magiging ani nito kumpara sa mga inbred na binhi ng palay. Hinikayat din niya ang mga magsasaka na gumamit na ng hybrid upang makamit ang masaganang ani at mataas na kita ng mga magsasaka ng palay. 

Kasama ring dumalo ang Agricultural Program Coordinating Officer (APCO) na si Mr. Artemio Casareno. Ayon sa kanya, maganda ang naging bunga nitong Techno Demo na ito dahil mga technician mismo mula sa mga seed companies ang nag alaga ng mga palay mula pagpunla nito hanggang maani. Kaya naman masayang masya siya sa naging resulta ng Hybrid Rice techno demo.

“Ako po’y labis na natutuwa dahil sa mga nakita kong mga palay na aanihin ay talagang malaki ang makukuha ninyong kita kung susundin lamang po natin ang tamang pagtatanim ng hybrid na binhi. Sana po ay tangkilikin natin itong hybrid rice upang magkaroon tayo ng masaganang ani at mataas na kita.” Dagdag ni Casareno.

Ipinaliwanag din ng mga kalahok na seed companies ang kagandahan ng paggamit ng hybrid na binhi sa pagtatanim ng palay. Isinaad nila ang mga datos ukol sa mga binhing kanilang pinapakilala sa mga magsasaka.

Isa si G. Ruben Suarez sa mga farmer cooperator na naging benepisaryo ng techno demo. Aniya, malaking bagay sa kanya ang pagtatanim ng hybrid dahil ang ganda ng naging kanyang ani dahil na din sa tulong ng mga technician ng Hybrid Seed Company. Dagdag pa niya na dapat lang sundin ang tamang patubig, timing ng paglalagay ng mga pestisidyo at abono para makuha ang mataas na ani ng palay.

“Maraming Salamat po sa DA-MiMaRoPa dahil po sa ganitong pagkakataon ako ay naging benepisaryo. Dito po sa pagtatanim ng hybrid ay makikita mo talaga ang masaganang ani at mataas na kita.” Dagdag pa Suarez.

Patuloy na gaganapin ang mga technology demonstration ng mga hybrid seed companies sa mga probinsya ng Occidental Mindoro at Palawan upang mas mapalawig ang pagpapakita ng ganda ng ani ng hybrid rice.

Image

Republic of the Philippines

All content is in the public domain unless otherwise stated.

About GOVPH

Learn more about the Philippine government, its structure, how government works and the people behind it.