Hindi nagpahuli sa mataas na kita ang Rizal Rural Improvement Club (RRIC), isang samahan ng mga kababaihan sa bayan ng Magsaysay, Palawan, matapos umabot sa Php 688,816 ang kanilang benta nitong nakaraan taon mula sa kanilang Ready-to-Lay Chicken (Egg) Production Project sa ilalim ng Special Area for Agricultural Development (SAAD) Program Phase 2.
Isa ang RRIC sa apat (4) na samahang tinutulungan ng SAAD Program sa nasabing bayan, na matatagpuan sa malayong isla ng Cuyo. Tulad ng Rizal-Lucbuan Farmers Livelihood Association (RLFLA), nasa Barangay Rizal rin ang RRIC at bagama’t parehong may proyektong paitlugan, hindi nagkaroon ng kompetisyon sa pagitan ng dalawang (2) samahan. Pareho silang kumikita at nagsusuplay ng itlog sa Magsaysay at kalapit na bayan ng Cuyo.
Pinatunayan ng RRIC ang kanilang kakayahan sa mahusay na pamamahala ng Egg Production Project na pinagkaloob sa kanila ng programa.
Mga natanggap na interbensyon
Huling kwarter ng taong 2023 nang makatanggap ang samahan ng Php 881,518 na halaga ng iba’t ibang interbensyon. Kinabibilangan ito ng 290 na paitluging manok, mga kulungan, patuka, bitamina at gamot. Samantala bilang karagdagang suporta, binigyan naman sila ng SAAD Program nitong 2024 ng mga patuka, poultry net, laminated sack, veterinary medicine and vitamins, egg trays, at mga plastic drums, na may kabuuang halaga na Php 354,050.
Produksyon at kita
Buwan ng Disyembre 2023 nang magsimulang mangitlog ang kanilang mga manok. Umabot sa 2,389 piraso ng mga itlog ang kanilang naipagbili ng nasabing buwan kung saan kumita sila ng Php19,621. Nagsimula namang tumaas ang bilang ng mga nakukuha nilang itlog kasabay ng pagpasok ng 2024. Sa datos ng samahan mula Enero hanggang Disyembre ng nakaraang taon, nasa 80,632 ang kanilang naipagbiling itlog mula sa kabuuang produksyon na 80,645. Ipinagbibili nila ang mga itlog mula Php 230 hanggang Php 320 kada tray, depende sa laki. Umabot naman sa Php135,466 ang kanilang gastos kung kaya’t nasa Php553,350 ang kanilang naging net income mula sa mahigit Php 688,000 na benta.
Ayon sa RRIC, malaking tulong ang kanilang proyekto sa pagtugon sa mataas at regular na pangangailangan sa suplay ng sariwang itlog sa kanilang bayan. Bago ang pagtatayo ng paitlugan ng RRIC at RLFLA, sa Iloilo at Puerto Princesa City pa kumukuha ng itlog ang Cuyo at Magsaysay. Dahil sa malayong distansya ng isla sa mga nabanggit na lugar, ibinibyahe pa ng ilang oras sa barko ang mga itlog bago makarating sa Cuyo. Sa pagdating ng Egg Production Project ng SAAD Program Phase 2 sa Magsaysay, malaking bahagdan ng demand sa sariwang itlog ang natugunan ng proyekto. Dahil sa patuloy na pagdami ng kanilang mga mamimili, sa kabila ng pagkakaroon ng dalawang samahan na namamahala ng parehong proyekto sa iisang barangay, ay nagkukulang pa rin ang kanilang produksyon.
Kaugnay nito, labis ang pasasalamat ng RRIC na napabilang sila sa mga tinutulungan ng programa. “Ang aming asosasyon ay lubos na nagpapasalamat sa proyektong inyong ibinigay sa amin, ang RTL chicken. Isang napakalaking tulong po [ito] sa amin at sa aming komunidad. Sana po [ay] madagdagan pa ang aming RTL chicken dahil marami ang nangangailangan ng itlog dito sa aming barangay,” saad ni Irene Garcia, pangulo ng samahan.
“Mas dumami pa ang aming suki kaya kulang na kulang ang egg production ng aming manukan. Asahan po ninyo na lalo pa naming palalaguin ang binigay ‘nyong proyekto sa amin,” dagdag pa niya.
Karagdagang pinagkakakitaan
Upang magkaroon pa ng dagdag na pondo, nagkaisa ang samahan na maglaan ng bahagdan ng kanilang kita para sa pagpapautang na eksklusibo para lamang sa mga kasapi. Dahil sa maaayos na pamamahala ng pera at responsableng pagbabayad ng mga miyembro na humiram ng pera, buong naibalik sa kita ng kanilang asosasyon ang Php 249,300, na siyang pinaikot sa pagpapautang. Mula sa interes ng mga hiniram na pera, kumita ang RRIC ng Php58,410 mula Pebrero hanggang Disyembre 2024.
Pagpapatuloy ng produksyon
Bilang bahagi ng mga hakbangin sa pagpapatuloy ng kanilang manukan, nagpaplano na ang samahan na maglaan ng Php 82,500 upang ipambili ng 150 manok mula sa Iloilo. Sa kasalukuyan, abala ang grupo sa pagtatayo ng karagdagang kulungan na paglalagyan ng kanilang mga bibilhing manok. May lawak na 96 metro kwadrado ang lupang pinagtatayuan ng kulungan, na pag-aari ng isa sa mga miyembro. Upang makatipid sa gastos, nagtulong-tulong sila sa paggawa ng mga pawid, habang bawat isa ay nagdala ng tig-10 kawayan para sa pagbuo ng kulungan.
Sa huli, tiniyak ng RRIC na patuloy nilang pauunlarin ang proyektong ipinagkatiwala ng SAAD Program sa kanila hanggang sa makamit ang estado ng pagiging matatag at fully established na community-based enterprise (CBE).