Hindi nasusukat sa layo ang tagumpay ng isang hanapbuhay - ito ang pinatunayan ng isang samahan ng mga magsasaka sa Brgy. Poblacion Agutaya, Palawan.
Isa ang munisipalidad ng Agutaya sa mga pinakamalalayong bayan sa naturang lalawigan, na nabibilang sa Cuyo Archipelago. Dahil nasa ika-limang kategorya base sa kita, naging kwalipikado ang Agutaya sa mga bayang maaaring mapabilang sa Special Area for Agricultural for Agricultural Development (SAAD) Program Phase 2.
Apat (4) na samahan ang tinutulungan ng programa sa naturang munisipalidad. Isa na dito ang Abagat Bancal Cambian (AbBaCa) Farmers Association, na benepisyaryo ng Ready-to- Lay Chicken (Egg) Production Project ng programa sa MIMAROPA.
Buwan ng Oktubre ng nakaraang taon nang tumanggap ang samahan ng Php455,518 na halaga ng mga interbensyon kabilang na ang 290 RTL chicken, 10 set ng kulungan, at 12 litro ng mga gamot at bitamina para sa mga manok.
Disyembre naman nang magsimulang mangitlog ang mga manok, kung saan mula sa pagbebenta ng 3,066 piraso ng mga itlog ay kumita sila ng Php27,233. Bawat tray ng itlog ay nagkakahalaga ng Php250 hanggang Php300 depende sa laki. Dahil kaakibat ng produksyon ang gastos, nabawasan ng Php4,550 ang kanilang benta, na nagresulta sa Php22,683 na net income. Nagsilbing inspirasyon sa samahan ang nasabing halaga upang higit pang paunlarin ang kanilang proyekto kasabay ng pagpasok ng taong 2024.
Sa unang semestre ng taon, umabot sa 41,124 ang kanilang mga naibentang itlog. Kumita ang samahan ng Php392,843 habang nasa Ph45,272 ang kanilang inilabas na halaga na ginamit sa pagbabayad sa nag-aalaga ng mga manok, kuryente, gastos sa transportasyon upang maibenta ang mga itlog, at iba pa. Dahil dito, may nadagdag sa pera ng samahan na Php347,571.
Mula naman Hulyo hanggang Agosto, nasa 14,540 ang bilang ng mga itlog na naibenta ng asosasyon at nagbigay sa kanila ng kita na Php133,565. Matapos bawasin ang ibinili ng patuka kasunod ng pagkaubos ng mga pakain na bigay ng SAAD Program at iba pang gastusin na umaabot sa Php74,375, nagkaroon ng net income ang AbBaCa FA na Php59,190.
Sa kabuuan, mula Disyembre 2023 hanggang Agosto 2024, umabot sa 58,730 ang naibentang itlog ng samahan. Kumita sila ng Php553,641 habang nasa Php124,197 naman ang kanilang gastos sa produksyon. Dahil dito, nasa Php429,444 na ang kanilang naiipong kita net income mula nang maging benepisyaryo ng SAAD Program.
Pagbabahagi ni Gng. Rosela O. Bacosa, pangulo ng samahan, nagmumula pa sa ibang probinsiya ang suplay ng itlog sa kanilang bayan noong wala pang dumarating na proyektong paitlogan sa kanilang samahan. Dahil sa mahabang oras ng byahe, hindi maiwasan na maging luma at minsan ay sira pa ang mga itlog na kanilang nabibili.
“Nong hindi pa po dumarating yong RTL ng SAAD, ‘yong isla ng Agutaya ay kumukuha ng itlog na ibinebenta sa tindahan sa Cuyo pa, Iloilo o Mindoro. Subalit ‘nong dumating ang SAAD, kami na po ‘yong nagsu-supply sa buong Agutaya ng itlog. Maraming salamat po sa Department of Agriculture na binigyan ‘nyo kami ng ganitong proyekto sa pamamagitan ng SAAD,” aniya.
Dagdag pa ni Gng. Bacosa, “Malaking pasalamat din po namin na ‘yong RTL na binigay ng SAAD sa amin ay kami na po ang nagdedeliver ng mga itlog sa mga tindahan sa mababang presyo at syempre fresh na fresh galing sa aming mga manok. ‘Yan po talaga ang malaking tulong ng SAAD sa amin - fresh na itlog ‘yong ibinibigay ng SAAD AbBaCa Farmers Association.”
Layunin ng samahan na higit pang palaguin ang kanilang proyekto at siguruhin ang pagpapatuloy nito sa pamamagitan ng pagbili ng mga panibagong grupo ng mga manok bilang paghahanda sa oras na humina na ang pangingitlog ng kanilang kasalukuyang RTL chickens.
Sa huli, tiniyak ng AbBaCa FA na hindi nila sasayangin ang pagkakataong ibinigay ng DA-SAAD upang tulungan silang i-angat ang kanilang kabuhayan at tugunan ang pangangailangan ng kanilang bayan sa suplay ng mura at sariwang itlog, sa kabila ng malayong distansya ng kanilang isla sa sentro ng Palawan.