News and Events

Direksyon tungo sa pagiging matatag na CBE ng mga samahan, inilatag sa Multi-Year Planning ng DA-SAAD MIMAROPA
Sa pangunguna ni Food Production and Livelihood Lead Engr. Maiden Marie M. Segui, sumailalim sa Multi-Year Planning ang Calagonsao Corn Growers Association, isa mga samahang tinutulungan ng Special Area for Agricultural Development (SAAD) Program Phase 2 sa bayan ng Alcantara, Romblon.

Direksyon tungo sa pagiging matatag na CBE ng mga samahan, inilatag sa Multi-Year Planning ng DA-SAAD MIMAROPA

Sa layuning gabayan ang samahan ng mga magsasaka sa paglalatag ng plano at direksyon na kanilang tatahakin sa mga susunod na taon bilang isang matatag na community-based enterprise (CBE), nagsasagawa ng Multi-Year Planning (MYP) ang Department of Agriculture – Special Area for Agricultural Development (DA-SAAD) MIMAROPA.

Mula ika-18 ng Nobyembre ng nakaraang taon hanggang ika-28 ng Pebrero, 2025, nasa 16 na asosasyon na sa mga bayan ng Alcantara, Concepcion, Ferrol, Sta. Maria, at San Jose, Romblon, ang sumailalim sa MYP.  Pinangungunahan ang aktibidad ng Food Production and Livelihood (FPL) Unit sa pamumuno ni FPL Lead Engr. Maiden Marie M. Segui.  Sa pamamagitan ng malayang talakayan at estratehikong pagpaplano kasama ang mga magsasaka, unti-unting inilalatag ang hakbang na gagawin ng bawat asosasyon  upang mapataas ang kanilang produksyon at kita tungo sa pagiging ganap at maunlad na CBE.

Bilang bahagi ng proseso sa pagsasakatuparan nito, unang ipinaalala sa MYP ang hangarin ng SAAD Program na magkaroon ng pangmatagalan at kumikitang kabuhayan ang mga asosasyon – isang enterprise na mananatili kahit matapos na ang implementasyon ng programa sa taong 2028.  Mahalagang parte rin ng MYP ang masusing pagsusuri sa kasalukuyang kalagayan ng proyekto ng mga samahan, mga banta tulad ng mga peste, sakit, at pagbabago ng klima, kapasidad sa produksyon, at takbo ng merkado. Inisa – isa ang mga estratehiya na maaaring gawin upang tumaas ang kita tulad ng pagkakaroon ng mga dagdag na hanapbuhay, posibilidad ng expansion, mas malawak market linkages, at epektibong paggamit ng mga natanggap at matatanggap pang interbensyon. Dahil sa ilang taon na lamang at magtatapos na ang SAAD Program, ipinaalala rin ng mga kawani ng DA – SAAD MIMAROPA na bagama’t may mga nakalinya pang suporta na ipagkakaloob sa mga samahan alinsunod sa pangangailangan ng kanilang proyekto, ay dapat rin silang makabuo ng sistematikong hakbang kung paano tutugunan ang kanilang mga pangangailangan sa produksyon sa oras na matapos na ang programa.

Samantala, kasabay ng pagsasagawa ng MYP ay siniguro ng mga kawani ng tanggapan na naaayon ang mga inilatag na layunin at hakbangin ng mga asosasyon sa pangkalahatang adhikain ng SAAD Program at tugma sa aktuwal na kalagayan ng sektor ng agrikultura. 

Sa kabila naman ng mga hindi maiiwasang hamon sa produksyon at pamamahala ng proyekto, umaasa ang SAAD MIMAROPA na sa tamang paggabay sa mga samahan kalakip ang kooperasyon ng mga ito at suporta ng lokal na pamahalaan, ay sapat ang natitira pang tatlong (3) taon sa pagapatupad ng SAAD Program Phase 2, upang tulungan ang mga asosasyon na maging matatag at tumayo sa sarili nilang mga paa.

“Mahalaga po na iisa ‘yong goal po natin, ng inyong asosasyon at ng SAAD program - at ‘yon po ay ang maging community-based enterprise po kayo. At para makamit po ‘yon, dapat ay alam po natin [kung] nasaan na po tayo sa kasalukuyan, saan po tayo pupunta,  at anu - ano pong mga hakbang at pagpaplano ang kailangan po nating gawin para makamit po ninyo ang isang pagiging ganap na enterprise before 2028," mensahe ni Engr. Segui.

Nagpaabot rin siya ng pasasalamat sa aktibong pakiisa ng mga magsasaka at sa walang sawang suporta ng mga lokal na pamahalaan sa pamamagitan ng Municipal Agriculture Office (MAO). Sa huli, pinasalamatan ng mga magsasaka ang inisyatibong ito ng DA-SAAD MIMAROPA dahil nabigyan anila sila ng pagkakataon na ibahagi ang kanilang mga saloobin at ideya upang makatulong sa paglalatag ng direksyon na tatahakin ng kanilang samahan sa mga susunod na taon.

Image

Republic of the Philippines

All content is in the public domain unless otherwise stated.

About GOVPH

Learn more about the Philippine government, its structure, how government works and the people behind it.