OCCIDENTAL MINDORO, Setyembre 05, 2021 – Ipinagkaloob ng Department of Agriculture – Special Area for Agricultural Development (DA-SAAD) Program ang pangalawang set ng Ready-to-Lay (RTL) Chicken Egg Production package sa Poultry Calawang Association (PCA) sa Magsaysay at sa Paluan Chicken Laying Farmers Association (PaCLayFA) naman sa bayan ng Paluan.
Bawat asosasyon ay nakatanggap ng 288 heads ng RTL chicken at 75 bags (50 kg/bag) ng pakain. Ang proyekto ay nagkakahalaga ng Php 797,700.00 sa ilalim ng Ready-to-Lay (RTL) Chicken Egg Production ng SAAD.
Ang RTL chicken ay may mataas produksyon ng itlog (320-330 itlog sa isang taon) na may laking nasa medium hanggang large at kung naaalagaan ng tama ay nangingitlog ang mga ito buong taon. Matibay rin ang mga ito sa mga mataas o mababang temperatura at hindi magastos sa pagpapakain ngunit dahan-dahang bumababa ang pagiging produktibo ng mga ito sa katagalan.
Layunin ng proyekto na mapataas ang bilang ng itlog at mapanatili ang kalidad ng mga itlog na napoprodyus ng dalawang asosasyon sa pamamagitan ng repopulation.
Sabay na natanggap ng PCA at PaCLayFA ang unang set ng 288 heads ng RTL chicken noong Oktubre at nagsimula ng produksyon ng itlog noong Disyembre, 2020. Sa kasalukuyan, ang PCA ay nakakapagprodyus ng nasa 4,000 itlog habang ang PaCLayFA naman ay nakakapagprodyus ng 5,500 hanggang 6,000 itlog sa isang buwan.
Inaasahang tataas ng karagdagang 5,000 piraso ang kanilang mapoprodyus na itlog makalipas ang isa hanggang dalawang buwan.
Upang mapanatili ang manukan, ang dalawang asosasyon ay naglalaan ng pondo mula sa kita ng kanilang grupo bilang paghahanda para sa susunod na repopulation.
Nakapagbenta ng 4,309 itlog ang PCA sa halagang Php 21,545.00 habang ang PaCLayFA naman ay kumita ng Phh 36,117.00 mula sa 5,896 itlog na kanilang na prodyus nitong Agosto.