News and Events

Dalawang Php10 milyong halagang Bio-secured and Climate-Controlled Finisher Operation Facility, itatayo sa Sablayan, Occidental Mindoro!
Larawan ng isinagawang groundbreaking ceremony ng itatayong Bio-secured and Climate-Controlled Finisher Operation Facility sa Brgy. Ligaya para Ligaya Multi-Purpose Farmers’ Cooperative (LIMFCO)

Dalawang Php10 milyong halagang Bio-secured and Climate-Controlled Finisher Operation Facility, itatayo sa Sablayan, Occidental Mindoro!

Sisimulan na sa Brgy. San Francisco at Brgy. Ligaya, Sablayan, Occidental Mindoro ang konstruksyon ng Php10 milyong halagang Bio-secured and Climate-Controlled Finisher Operation Facility matapos ang isinagawang groundbreaking ceremony nito noong ika-10 ng Nobyembre taong kasalukuyan.

Pinangunahan ang pagpapasinaya ng proyekto ni National Livestock Program Director Dr. Ruth Miclat-Sonaco at Department of Agriculture – MIMAROPA Regional Executive Director Engr. Maria Christine C. Inting kasama sina Regional Livestock Focal Person Dr. Maria Teresa O. Altayo, Regional Technical Director for Operations Dr. Celso C. Olido, Occidental Mindoro Agricultural Program Coordinating Officer Eddie Buen, Municipal Mayor Walter B. Marquez, Ms. Laarni Tuizen at Dr. Ma. Sonia Gallardo, mga kinatawan mula sa Provincial Veterinary Office (PROVET), G. John Belamide at Dr. Rodrigo Castillo na kinatawan mula sa DA-Sablayan.

Binasbasan ni Fr. Ronald Panaligan ang itatayong proyekto sa San Francisco habang si Ptr. Jessie Belarmin naman ang nagbasbas nito sa Ligaya. Sinaksihan ang seremonya ng pamunuan at miyembro ng Bukang Liwayway Multi-Purpose Cooperative (BUKAL MPC) at Ligaya Multi-Purpose Farmers’ Cooperative (LIMFCO) na siyang benepisyaryo ng programa.

Sa naging mensahe ni NLP Director Dr. Sonaco, tiniyak niya sa kooperatiba na wala silang hihingin sa mga ito kapalit nang pagpapatayo ng nasabing proyekto. Tanging hiling lamang niya sa mga ito ay magproduce ng ligtas na baboy at palakasin ang industriya ng pagbababuyan.

“Ang hinihiling lang po namin sa inyo ay magproduce lamang kayo ng worth 10 million na baboy, matapos ito ang proyektong na ito ay full o buo na naming i-tuturn over sa inyo. Hindi lang naman ito para sa kooperatiba, it will re-down to the municipality of Sablayan at buong Occidental Mindoro. Yun po, wala kayong ibabalik sa Department of Agriculture. Ang hiling lang natin, mag-produce kayo nang mag-produce ng baboy na walang ASF,” saad ni NLP Director Dr. Sonaco.

“Ito po ay isang napakagandang blessing, ang sinasabi lang po namin, inyo pong paka-ingatan. Kung ano man po ang maging problema sa umpisa pa lamang, dapat mag-usap na po tayo. Andyan naman po ang Engineering Division para mag-assist sa inyo para maging maganda at maayos ang facility na itatayo. Kung may na-iisip pa kayo, maaari rin namin kayong i-capacitate habang nandyan o na-establish na natin anng facility,” dagdag ni RED Engr. Inting.

Samantala, sa pangunguna ng general manager at chairman of the board ng kooperatiba, masayang tinanggap ng mga ito ang cheke na nagkakahalaga ng sampung milyong piso na laan para sa pagpapatayo ng pasilidad sa ilalim ng Integrated National Swine Production Initiatives for Recovery and Expansion (INSPIRE) Program ng Livestock Program. Ang proyektong ito ay air-conditioned facility na mayroong teknolohiya na kayang kontrolin ang klima sa pasilidad, angkop na imbakan ng mga dumi ng baboy, pangunahing kagamitang-pansaka, imbakan ng mga pakain sa baboy, paliguan, at iba pa. Bukod dito, magkakaloob din ang DA-MIMAROPA ng 300 na finisher na baboy, feeds, disinfectant, at iba pang biologic support bilang panimula ng samahan.

Dahil dito, lubos ang pasasalamat ng dalawang kooperatiba sa napakalaking proyekto na kanilang natanggap mula sa kagawaran. Anila, malaki ang maitutulong nito hindi lamang sa kanilang mga miyembro kundi makakapagbigay din ito ng trabaho sa kanilang mga kababayan at karagdagang kita. Ipinangako rin nila na kanila itong iingatan at pauunlarin.

Pagtanggap ng mga miyembro ng Bukang Liwayway Multi-Purpose Cooperative (BUKAL MPC) sa Php10,000,000.00 check para sa proyektong Bio-secured and Climate-Controlled Finisher Operation Facility

“Asahan nyo po sa pamamagitan ng inyong tulong at sa aming sama-samang pagtutulungan ay maiayos po namin ang proyektong ito at umasa po kayo na ito po ay aming pagpapalain at palalaguin. Nagpapasalamat po kami sa inyong pagbibigay ng proyektong ito sa BUKAL MPC,” ayon kay MPC Chariman Medy Poblete.

“Kami po ng aming pamunuan at miyembro, pipilitin po namin na mapa-ayos at mapa-unlad ang inyong ibinigay na proyekto. Ito po ay isang pagkakataon na muli pong yumabong ang aming kooperatiba. Ginagarantiya po namin sa inyo na ito ay aming pagyayamanin. Maraming-maraming salamat sa inyong pagtulong, pag-alalay, sa lahat-lahat. Hayaan nyo po ito po ay aming susuklian at gagawing makabuluhan upang umulad ang inyong proyekto,” ayon naman kay Sixto Agustin, Jr. na miyembro ng LIMFCO.

Image

Republic of the Philippines

All content is in the public domain unless otherwise stated.

About GOVPH

Learn more about the Philippine government, its structure, how government works and the people behind it.