News and Events

Dalawang ginang, pinagkalooban ng tulong pangkabuhayan ng Balik Probinsiya, Bagong Pag-asa Program

Dalawang ginang, pinagkalooban ng tulong pangkabuhayan ng Balik Probinsiya, Bagong Pag-asa Program

Walong (8) biik na nagkakalahalaga ng P44,000 at kumpletong feeds o pakain na umaabot sa P45,880 ang ipinagkaloob na tulong pangkabuhayan ng Department of Agriculture sa dalawang (2) ginang sa bayan ng Gloria, Oriental Mindoro kamakailan sa ilalim ng Balik Probinsiya, Bagong Pag-asa Program (BP2) ng Pamahalaang Nasyunal.

Magkasunod na umuwi noong 2020 sa bayan ng Gloria, Oriental Mindoro mula sa Kamaynilaan sina Gng. Lyneth Enriquez, 42 taong gulang at Mylen Quiatchon, 43 taong gulang, matapos mapabilang sa libo-libong nawalan ng trabaho dahil sa pandemya.  Sa kanilang pagdating sa lalawigan, problema ng kawalan ng hanapbuhay at pantustos sa kani – kanilang mga anak ang hinarap ng dalawa (2) na parehong solong magulang.

Dumating si Gng. Enriquez noong Hunyo 2020 upang makapiling ang limang (5) anak habang Disyembre ng nasabing taon rin nang umuwi si Gng. Quiatchon na may apat (4) na anak.  Ayon sa kanila, isang kakilala ang nagsabi na maaari silang magpadala ng mensahe sa 8888 hotline upang humingi ng tulong pangkabuhayan.  Bagama’t walang kasiguruhan, naglakas loob anila sila sa pagbabakasakali na mapansin at matulungan sila ng pamahalaan.

Hindi naman sila nabigo matapos makatanggap ng tawag mula sa kawani ng Dept. of Agriculture upang alamin kung anong kabuhayan ang ninanais nilang matanggap.

“Sa pamamagitan ng direktiba ng ating Regional Executive Director Antonio G. Gerundio, ang aming IDU Head Ms. Marieta Alvis-Setias at ni Balik Probinsiya, Bagong Pag-asa Program (BP2) Focal Mr. Randy Pernia, ay inatasan tayo dito sa Oriental Mindoro na magsagawa ng field validation at interview sa mga beneficiaries.  During validation, nakita natin na may kulungan na sila ng baboy at may kaalaman sa pag-aalaga ng mga baboy kung kaya angkop para sa kanila ang kabuhayang kanilang hinihingi,” pahayag ni Hazel D. Gardoce, Agricuturist II, kawani ng DA MiMaRoPa - Institutional Development Unit (IDU).

Personal na inihatid sa tirahan ng mga benepisyaryo ang mga biik na kanilang aalagaan kasama ang mga feeds na ipapakain sa mga ito.

Tumanggap ang dalawang (2) ginang ng tig-apat (4) na biik, tig-apat (4) na sako ng hog starter feeds, tigwalong (8) sako ng hog grower feeds, at tig-apat (4) na hog finisher feeds na may bigat na 50 kilo bawat sako bilang panimulang kabuhayan.  Pinangasiwaan ang pagkakaloob ng mga naturang interbensiyon nina Oriental Mindoro Agricultural Program Coordinating Officer (APCO) Coleta C. Quindong; Hazel Gardoce, Agriculturist II at Rico Mangubat, Agriculturist I, mga kawani ng IDU; at Ginalyn Pariño, Agriculturist I, IDU/BP2 staff katuwang ang Municipal Agriculture Office (MAO) ng Gloria sa pamumuno ni Municipal Agriculture Officer August Mantaring. 

“Masayang – masaya po kami at may mapag – uumpisahan na kami na hanapbuhay, na hindi kami uutang ng feeds nila.  Tuloy – tuloy na po ito para sa aming mga anak, malaking tulong po na hindi na namin hahanapin ang puhunan namin,” pahayag ni Gng. Enriquez.

“Nagpapasalamat po kami kay DA Secretary William Dar at kay Regional Executive Director Antonio G. Gerundio.  Salamat po sa Livelihood Program ng DA ganun rin sa Balik Probinsiya, Bagong Pag-asa Program, malaking tulong po ito sa amin,” buong pusong pasasalamat ng dalawa.

Samantala, bahagi ng responsibilidad nila bilang mga benepisyaryo ng programa ay pangalagaan ng maayos at paramihin ang mga baboy. Ang dalawang ginang ay dapat na magkaroon ng matibay na ugnayan sa isa’t isa gayundin sa DA at Municipal Agriculture Office hinggil sa pag-aalaga ng mga naturang baboy.

“Ang DA ay walang sawa, walang tigil na kumakalinga sa mga tulad ninyo, hindi lamang sa mga nagbabalik probinsiya kungdi sa maraming mga magsasaka.  Sana itong mga baboy ay maparami ninyo at makatulong sa pag-aaral ng iyong mga anak,” mensahe sa dalawa ni APCO Quindong.

Tumanggap rin ng iba’t ibang binhi ng pananim na gulay sina Gng. Quiatchon at Gng. Enriquez na maaari nilang mapagkakitaan at mapagkunan ng pagkain.

Sa huli, tumanggap rin sila ng iba’t ibang binhi ng mga gulay na maaari nilang mapagkakitaan at mapagkunan ng pagkain habang pinalalaki ang mga biik.

Image

Republic of the Philippines

All content is in the public domain unless otherwise stated.

About GOVPH

Learn more about the Philippine government, its structure, how government works and the people behind it.