Opisyal nang iginawad ng Department of Agriculture MIMAROPA sa pamamagitan ng Agribusiness and Marketing Division (AMAD) ang Enhanced KADIWA Financial Grant sa dalawang (2) kooperatiba mula sa Pola at Bansud, Oriental Mindoro.
Pinangunahan nina F2C2 Focal Person Rustom Gonzaga at AMAD Market Specialist I Christian Andrew Carranza ang paggawad ng certificate of turnover sa Matulatula Agrarian Reform Community Cooperative (MARCCO) at Bansud Livestock Multi-Purpose Cooperative (BLMC) na malugod na tinanggap ng mga kasapi ng samahan sa pangunguna ng kanilang pangulo.
Ang nakuhang financial grant ng nasabing kooperatiba ay ginamit nila bilang pandagdag sa kanilang biniling sasakyan na magagamit nilang sa pagdedeliver ng kanilang mga produkto sa merkado gayundin ang pagmamarket nito.
Ayon kay MARCCO Chairman Modesto Landico, “ang KADIWA grant na galing sa Department of Agriculture ay lubos naming pinasasalamatan sapagkat nakikita naming ang tagumpay ng MARCCO. Kaya sa inyong pakikipagtulungan ay gagawa kami ng paraan para magkaroon pa kami ng maraming proyekto para sa ikabubuti ng magsasaka lalo na ang magkakalamansi.”
“Taos-puso po naming tinatanggap ang proyekto ng KADIWA na isang hauling truck na aming iingatan, gagamitin at asahan ninyo po na ito ay magiging daan para maihatid sa mga consumer ang mura at sariwang mga produkto,” saad naman ni Reynold Matining mula sa BLMC.
Sa pamamagitan naman ng interbensyon na ito, inaasahan ni F2C2 Focal Person Gonzaga na magiging katuwang ng DA-MIMAROPA ang mga ito upang maiangat din ang iba pang smallholder’s farmers.
“Kayo po ang isa sa mga ninanais naming makatuwang dito sa programa ng departamento. Congratulations po sa inyong kooperatiba at nawa’y kayo po ay aming makasama sa landas tungo sa isang masaganang agrikultura para sa Bagong Pilipinas,” aniya.
Samantala, dumalo rin sa nasabing turnover ceremony ang mga kinatawan mula sa Lokal na Pamahalaan ng Pola at Bansud, Municipal Agriculture Office, Office of the Provincial Agriculturists’, at Hon. Charles Pansoy bilang kinatawan mula sa Office of the Congressman ng 1st District.