Ang Department of Agriculture-MIMAROPA at Bureau of Corrections (BuCor) na nasasakupan ng Department of Justice ay lumagda sa isang Memorandum of Agreement (MOA) kasama ang mga private sector partner para sa implementasyon ng “DA X DOJ Reformation Initiative for Sustainable Environment for Food Security Project” o ang DA X DOJ RISE Project, ika-18 ng Agosto 2023.
Ang MOA na ito ay ang umpisa ng pagsasakatuparan ng nasabing proyekto sa Iwahig Prison and Penal Farm (IPPF) sa Puerto Princesa City na nagbibigay pahintulot sa BuCor na makipagtulungan sa iba’t ibang ahensiya ng gobyerno at pribadong sektor upang maitayo ang technology demonstration farm na siyang pag-aaralan ng mga mapipiling persons deprived of liberty (PDLs).
Kung matatandaan noong ika-13 ng Hulyo ay nilagdaan ang naunang MOA sa Palasyo ng Malacañang na sinaksihan mismo ng Presidente at kasalukuyang Kalihim na H.E. Ferdinand Marcos, Jr.
Sa pagpapaliwanag ni DA-MIMAROPA Regional Executive Director Engr. Maria Christine C. Inting mula sa kanyang mensahe, ang MOA ay sumasaklaw sa pagpapaunlad at rehabilitasyon ng arable land ng BuCor sa loob ng prison reservation at penal farms nito sa bansa bilang kanilang suporta sa food security ng bansa.
“Ang pinakamahalaga sa prosesong ito ng produksyon ng pagkain ay ang repormasyon ng Persons Deprived of Lilberty (PDL) sa ilalim ng Programang Trabaho at Kabuhayan ng BuCor at ang kanilang paghahanda para sa muling pakikisalamuha sa lipunan,” kanyang dagdag sa pagpapaliwanag ng layunin ng proyekto.
Binahagi naman ni BuCor Director Gen. Gregorio Pio P. Catapang sa mga dumalo ang kanilang pinaplanong pagpapatayo ng food terminal, storage facility, waste to energy and solar power, bamboo production, eco-tourism, aqua farming, poultry production at iba pa sa tulong ng DA-MIMAROPA.
“Malaki ang tulong sa hinaharap ng Republic Act (RA) 10575 na nagbibigay ng authority sa BuCor na i-convert ang aming lupain sa agri aqua industrial food production center upag maging produktibo ang malawak na lupain nasasakop nito. Malaki ang magiging kontribusyon nito upang tugunan ang suliranin sa kakulangan sa pagkain. Kaya ang ating kolaborayon na ito ay simula pa lamang ng mas malawak pa nating partnership,” kanyang dagdag na pagbabahagi.
Malugod na tinanggap at pinasalamatan naman ni IPPF Correction Chief Inspector Superintendent, Major Gary A. Garcia ang pagdalo ng lahat ng mga ka-partner para saksihan at makiisa sa programang ito.
“Ang napakahalagang kaganapang ito ay nagpapahiwatig na tayo ay nagkakaisa para sa apirmatibong pagbabagong ito ng ating pamahalaan. Magkahawak-kamay tayong lahat na gawin ang proyektong ito na naglalayong maging kapaki-pakinabang sa paghahatid ng mas malaking impact sa hinahrap upang suportahan ang kampanya ng pamahalaan na palakasin ang antas ng food sufficiency ng bansa at upang makatulong sa holistic transformation ng PDL. Kaya lubos ang pasasalamat ng IPPF na ang proyektong ito na pinasimulan ng DA ay uumpisahan (pilot) sa BuCor na may buong suporta mula sa Director General Pio Catapang, Jr,” kanyang sinabi.
Samantala, nagpapasalamat naman ang Director ng Bureau of Plant Industry, High Value Crops Development Program, National Urban and Peri-urban Agriculture Program na si Gerald Glenn F. Panganiban sa mainit na pagtanggap at pakikipagtulungan ng Buruea of Corrections sa pakikipagtulungan sa Department of Agriculture, gayundin ang suporta mula sa Local Government Units, Congress at Private Sector Partners sa pagharap sa problema ng food security.
Pagkatapos ng paglagda sa MOA ay nagkaroon ng ceremonial planting ng pananim na gulay kung saan bubuksan at sisimulan ang techno demo farm. Sakop ng techno demo farms ang kabuuang 5.5 ektarya ng lupang tatamnan ng palay at iba’t ibang prutas at gulay, edible landscaping, at sunflower farm. Mayroong 40 katao na PDL na unang sasanayin at makikinabang para sa proyektong ito.
Sa pagpapatupad ng techno demo farm na ito ay kapartner ng proyekto ang mga pribadong kumpanya tulad ng Enviro Scope Synrgy Inc, ENZA Zaden Philippines, FA Greenfields Corporation, Harbest Agribusiness Corporation, Kaneko Seeds Philippines, Ramgo Seeds International Seeds Corporation, SL Agritech Corporation. Gayundin ng mga intitutional buyer at contract growing partners mula sa Yovel East Research and Development at Mansch Fil-Am Corp.