Nagsimula ng mamahagi ng mga libreng binhing pananim ang Kagawaran ng Pagsasaka-MIMAROPA sa tulong ng Palawan Agricultural Center (PAC) sa Brgy. Irawan, Puerto Pricesa City noong Biyernes, Abril 4, 2020.
Umabot na sa 500 pakete ng binhing pananim katulad ng buto ng kamatis, talong, sitaw, okra, kalabasa at pipino ang naipamigay noong Biyernes mula sa PAC. Bukod pa sa binhi, namamahagi din sila ng mga libreng punla ng cacao, kasuy, kape, langka at guyabano.
Simula naman ngayong Lunes, Abril 6, maaari na ring makakuha ng mga libreng binhi sa Palawan Research Experiment Station (PRES) sa Brgy. Sta. Monica, Puerto Princesa City. Kailangan lamang pumunta sa nasabing tanggapan at punan ang mga kinakailangan na mga form.
Ang programang ito ay kasama sa Plant, Plant, Plant Program ng Kagawaran kung saan hinihikayat ng ahensiya ang mga tao na magtanim sa kanilang mga bakuran habang umiiral ang Enhanced Community Quarantine. Ito ay upang masiguro na may mapagkukuhanan pa rin ng sariwa at masustansiyang pagkain ang bawat pamilya, lalo na ang mga nasa siyudad, habang limitado ang galaw ng bawat isa dahil sa COVID-19. Maaari rin itong maging libangan ng bawat miyembro ng pamilya sa kani-kanilang tahanan.
“We need to explore all strategies to ensure that food productivity, availability and sufficiency is attained, particularly in this challenging time,” ani ni Kalihim William Dar na siyang nangunguna sa pagsulong ng Urban Agriculture. (Kailangan natin tingnan ang iba’t ibang paraan upang patuloy pa rin ang produksyon at suplay ng pagkain, lalo na sa panahon ngayon na may pagsubok.)
Ayon naman kay Regional Executive Director Antonio Gerundio may tatlong (3) paraan upang tugunan ang proyketong Urban Agriculture ng Kagawaran. “There are 3 possible schemes: Gulayan sa bakuran, Specialized production areas - with communal gardens like strawberry farms in Benguet, and the third is farm level commercial production intended for specific market,” kanyang pagpapaliwanag.
Kanyang ring iminungkahi ang regular na monitoring sa mga nabigyan ng mga binhi upang masigurado na hindi ito masayang.
Para sa karagdagang impormasyon ukol sa libreng punla at binhi sa Palawan, makipag-ugnayan lamang kay Gng. Gene Onde ng PAC sa numerong 0928-333-3594 at kay Gng. Mila Cacal ng PRES sa numerong 0919-9351-0159.