Ipinagdiriwang ng Department of Agriculture-Palawan Research and Experiment Station (PRES) ang ika-69 na anibersaryo ng pagkakatatag mula ika-15 hanggang 16 Disyembre. Ang istasyon ay itinatag noong Disyembre 23, 1953 sa bisa ng Presidential Proclamation No. 463 ni Pangulong Elpidio Quirino na nauna ng tinawag na Seed Farm, pagkatapos ay Palawan Agricultural Experiment Station (PAES) bago pa ito tinawag sa kanyang kasalukuyang pangalan. Ngayong taon, ang selebrasyon ay nakatuon sa temang: “Sustainability and Resiliency through Research for Development (R4D) as we Face the challenges of Time” kung saan ginunita nito ang pagtataguyod ng tanggapan sa patuloy na pagtaas ng antas ng serbisyo para sa mamamayan sa kabila ng malalaking pagsubok tulad ng kalamidad at pandemya.
Sinimulan ang unang araw ng pagdiriwang sa pamamagitan ng Misa ng Pasasalamat na pinangunahan ni Rev. Father Emmanuel Dormile. Kasunod nito ay ang mga tampok na aktibidad para sa pagdiriwang, ang Groundbreaking Ceremony ng DA-PRES Multi-Purpose Covered Court, Pagbubukas ng CASHEW Eco-Park at ang Edible Landscaping Contest. Nagkaroon din ng ceremonial slicing ng Giant Pizza sa ikalawang palapag ng bagong gusali ng DA-PRES, ang DA-Research and Development Administration and Product Development Center.
Dinaluhan ito ng mga kawani ng DA-PRES at ilang opisyal mula sa DA-RFO MiMaRoPa sa pangunguna ni Regional Technical Director Engr. Elmer T. Ferry. Nakibahagi din sa programa sina Hon. Vice Mayor Nancy Socrates at Mr. Erwin Edualino bilang kinatawan ni Hon. Congressman Edward S. Hagedorn. Dumalo din ang iba’t ibang partner at stakeholder mula sa tanggapan ng City Agriculture, Provincial Agriculture, Philippine Coconut Authority, Provincial Fisheries, Bureau of Plant Industry, DTI-Palawan at NFA-Palawan. Ginawaran din ng Sertipiko ng Pagkilala at Pagpapahalaga ang DPWH-Palawan, Palawan Tarabidan Multi-Purpose Cooperative, Palawan Producers Cooperative at Palawan Swine Producers Association at si Congressman Edward S. Hagedorn dahil sa kanilang ambag para lalong mapaunlad ang PRES.
Naging sentro naman ng mensahe ng Agricultural Center Chief III, Librada L. Fuertes ang pasasalamat sa lahat ng mga institusyon at indibidwal na naging makasaysayang bahagi ng pag-unlad at magandang pagbabago ng DA-PRES. Sinabi nya, “sa ating pag-evolve mula sa Seed Farm hanggang sa DA-PRES, na ang pangunahing tungkulin ay sa Research for Development and Production, nais kong pasalamatan ang ating mga dating superintendente at empleyado para sa paggawa ng PRES sa kung ano ito at kung nasaan ito ngayon. Sa aming mga dating Direktor lalo na si Direktor Cipriano Santiago na nagpasimuno ng Infra Development ng PRES at sa suporta ni Ms. Marilyn Bienes, kami ay tunay na may utang na loob sa inyo. Gayundin sa iba't ibang program coordinators ng Regional Office- sa AMAD, HVCDP, Livestock Program, Rice, Corn and Research Division. Sa pagdiriwang natin ngayon, nais kong pasalamatan din ang Pamahalaang Panlalawigan at Panlungsod lalo na ang Tanggapan ng Agrikultura ng Puerto Princesa at Palawan na katuwang natin sa pagsulong ng mga programang pang-agrikultura.”
Samantala, nagbigay naman ng inspirasyon sa mga kawani ng PRES ang mensahe ni RTD for Operations Egr. Elmer T. Ferry. Ayon sa kanya, “mahalaga na magsama-sama at makaisa sa iisang layunin ng pag-unlad ang mga manggagawa ng PRES. Ang masigasig na pagtupad ng tungkulin sa anumang antas ay pagpapakita ng lubos na pagsuporta sa ating institusyon. Sikapin din ng bawat isa na maging malusog ang katawan upang makaganap ng lubos sa nakaatang na trabaho. Naging matagumpay ang ating selebrasyon dahil sa pagpupursige ninyong lahat.”
Bahagi din ng pagdiriwang ang mga palaro para sa mga manggagawa ng DA-PRES tulad ng Larong Pinoy, Basketball at Volleyball. Ito ay pinangunahan nina nina Engr. Victor Binsahan, ang OIC-APCO, Belen Bungay mula sa DPDC at Micaela Guerzo mula sa DPDC. Masayang natapos ang selebrasyon sa pamamagitan ng mga mensahe ng pagbati ng mga hepe at pinuno ng bawat section ng PRES kasunod ng kani-kanilang presentasyon.