Nagsagawa ng follow-up visit ang Kagawaran ng Pagsasaka kasama ang Presidential Communications Office sa mga sakahan sa Oriental Mindoro na lubos na naapektuhan ng El Niño Phenomenon, ika-15 ng Marso.
Sa kanila ring pagbisita, nagkaloob sila ng karagdagang tulong sa mga apektadong magsasaka na umabot sa halagang Php9 milyon.
Pinangunahan ang aktibidad ni Undersecretary for Operations Roger Navarro, kasama si Assistant Secretary U-Nichols Manalo at PCO Assistant Secretary Joey Villarama. Isang daang (100) magsasaka ang tumanggap nito mula sa Brgy. Teresita, Mansalay---isa sa mga bayan sa Oriental Mindoro na nagdeklara ng state of calamity dahil sa pinsala ng El Niño.
Sa mensahe ni ASec Villarama, sinigurado niya sa mga magsasaka na ginagawa ng gobyerno ang lahat ng kanilang makakaya upang tulungan silang makaahon sa pagkakalugi dahil sa kalamidad.
“Andiyan ang pagtitiyak ng gobyerno, sa pamamahala ni President Ferdinand “Bongbong” Marcos,Jr., na ginagawa ang lahat para maibsan ang epekto ng El Niño,” kanyang sinabi.
Inisyal na namahagi ng Php250,000 ang Agricultural Credit Policy Council (ACPC) sa sampung (10) mga magsasaka bilang parte ng kanilang Survival and Recovery (SURE) Loan Program, kasabay nito ang loan application facilitation sa nais mag-avail ng nasabing pautang. Naglaan ang ACPC dito ng Php80 milyon na maaaring utangin ng 3,000 magsasaka mula sa Mansalay at Bulalacao, maaaring bayaran ito sa loob ng tatlong taon na walang interes at walang kolateral.
Bukod rito, ang tanggapan ay mamamahagi din ng mga binhing palay ,mais, at iba’t ibang gulay at fuel assistance bilang karagdagang tulong sa kanilang pagbangon mula sa pagkakalugi dahil sa El Niño.
Pinangako naman ni USec Navarro sa mga magsasaka na nakahanda ang DA,sa pangunguna ni Kalihim Francisco Tiu Laurel, sa mga interbensiyon upang alalayan sila.
Samantala, ang Philippine Crop Insurance Corporation (PCIC) ay namahagi din ng mga indemnity insurance na nagkakahalaga ng Php395,460 sa 41 mga magsasaka, at ang Philippine Center for Postharvest and Mechanization ay nagkaloob ng four-wheel drive tractor na nagkakahalagang P2.2 million sa isang samahan ng magsasaka. Dagdag pa rito, 900 pakete ng iba’t ibang binhing pananim na nagkakahalaga ng Php27, 375, ang binigay ng Regional High-Value Crops Development Program sa Municipal Agriculture Office upang ipamahagi sa mga magsasaka na nais ng alternatibong pagkakakitaan.
Nauna na rin namahagi ang Rice Competitiveness Enhancement Fund-Rice Farmers Financial Assistance program ng aabot sa Php5.7 milyon na tulong pinansiyal sa 1,142 na magsasaka sa Bulalacao at Mansalay, kung saan Php5,000 ang matatanggap ng bawat magsasaka.
Sa pagtatapos ng programa ng pamamahagi, pinayuhan ni ASec Manalo ang mga magsasaka na makinig sa mga weather advisory at iba pang imporamsiyon upang maging handa sa mga kalamidad.
“Magtulungan po tayo at malalampasan po natin ito,” kanyang dinagdag.
Ilan sa mga kasamang opisiyal sa programa ay sina ACPC Deputy Executive Director Ma Cristina Lopez, Regional Technical Director for Operations Vener Dilig, Regional Technical Director for Research and Regulations Dr. Celso Olido, at National Irrigation Administration Regional Manager Engr. Ronilo Cervantes.
Ang lalawigan ng Oriental Mindoro ang isa probinsiya ng MIMAROPA na tinamaan ng matinding tagtuyot dala ng El Niño Phenomenon na kung saan umabot na sa 1,549 na ektaryang taniman na ang napinsala na nagkakahalagang Php385 milyon base sa datos nitong ika-13 ng Marso,2024.