Nagdaos ng panlalawigang pagpupulong ang DA – MIMAROPA Rice Program sa Magsaysay Hillside Resort, Magsaysay, Occidental Mindoro, ika-23 hangang ika-24 ng Marso taong kasalukuyan.
Pinangunahan ang aktibidad ng mga kawani ng programa sa sa pangunguna ni Ronald S. Degala, bagong talaga na Regional Focal Person at dinaluhan ni Dr. Santiago R. Obien, Regional Rice Advisor kasama ang mga Municipal Agriculturists, Rice Report Officers/coordinators, mga kinatawan ng iba’t ibang ahensiya at banner programs ng kagawaran tulad ng High-Value Crops Development Program (HVCDP), Corn and Cassava, Livestock, Special Area for Agricultural Development (SAAD), Farm and Fisheries Clustering and Consolidation (F2C2) Program, at ilan pang kawani ng DA MIMAROPA.
Layunin nito na mailatag ang mga programa at proyekto ng Rice Program at iba pang programa ng kagawaran kasabay ng pagpapaunlad ng ugnayan sa lokal na pamahalaan tungo sa mas epektibo at sistematikong daloy ng implementasyon ng mga programa at proyekto para sa mga magsasaka ng Occidental Mindoro.
Mainit na mensahe ng pagtanggap ang ibinahagi ni Luzviminda Yadao, Provincial Rice Coordinator ng Office of the Provincial Agriculturist kasunod ang pagtiyak ng patuloy na suporta at pasasalamat sa lahat ng programa ng Department of Agriculture.
“Ang aming opisina ay handang sumuporta sa lahat ng programa ng DA- MIMAROPA sa pangunguna ng aming Gobernador Eduardo Gadiano. Kami ay nagpapasalamat sa mga interventions ng bawat banner programs dahil ito ay malaking tulong sa aming probinsiya lalong lalo na sa mga magsasaka para maitaas ang antas ng kanilang pamumuhay,” aniya.
Kinapalooban ang dalawang (2) araw na aktibidad ng pagtalakay ni Rice Program Regional Focal Person Degala sa Masagana Program, produksiyon ng inbred at hybrid rice, at mga interbensiyon ng Rice Program sa pangunguna ni Menard Alcobera, Provincial Rice Program Coordinator. Sinundan ito ng paglalahad ng mga plano at proyekto ng ng Livestock Program sa katauhan ni Arman Melendrez, Corn Program sa pamamagitan ni Aiza Ruth E. Espeja, Organic Agriculture Program na ibinahagi ni Laurence Real, at HVCDP na tinalakay naman ni Maricar T. Combalicer. Iipinaliwanag naman ni Engr. Franz Cardano ang fuel assistance ng Corn Program at ibinahagi rin ang mga programa ng mga kaakibat na tanggapan ng DA gaya ng ACPC, NIA, ATI, NFA, PHILRICE, PCIC, PHILMECH, PSA at iba pang programa na nasasakupan ng rehiyon.
“Sa magandang tugon at kooperasyon ng bawat munisipyo ay nakatitiyak tayo na maabot natin ang layunin na mapataas ang produksiyon ng hybrid rice ng walo (8) hanggang 10 tonelada sa Occidental Mindoro. Nagpapasalamat ako sa ginawang updating ng bawat attached agencies at banner programs. Ang Farm and Fisheries Clustering and Consolidation program ay magiging sentro ng ating activities para makumpleto iyong budgeting at masisiguro iyong goal to increase the income ng ating mga farmers,” mensahe ni Degala.
Ibinahagi naman ni Dr. Obien ang kaniyang kasiyahan sa pangunguna ng Occidental Mindoro sa produksiyon ng palay. Aniya pa, hinihikayat ang lahat na higit pang pagbutihin ang paggampan sa kanilang tungkulin dahil buo ang suporta na binibigay ng National Rice Program.
“Sa katunayan, ako ay masaya dahil nagunguna ang Occidental Mindoro sa pinakamataas sa produksiyon ng palay. Tayo ay nahaharap sa napakalaking programa sa pagpapalay at nais kong bigyang diin, kasi for the first time there is a strong commitment ng ating gobyerno for rice self-sufficiency. We are encouraged to work harder because we are fully supported in financial and technical by the National Rice Program. We should put into our hearts that our task is really, probably the most important part of our life, we are going to make sure that there is now food for everybody,” saad niya.
Samantala, pinagkalooban ng sertipiko ng pagkilala ang apat (4) na nagretirong Municipal Agriculturists na sina sina Josefina D. Villa (Sta. Cruz), Celia Baranda (Sablayan), Felecisima R. Egos (Paluan), at Elena O. Fantone (Magsaysay) bilang pasasalamat sa kanilang suporta at natatanging kontribusyon sa pag-angat ng sektor ng pagsasaka sa kani-kanilang bayan. Nagpasalamat sila mabuting ugnayan ng DA MIMAROPA at MAO na nagbigay sa kanila ng maraming aral at kaalaman na nagresulta sa pagkilala sa kanilang munisipalidad at pagtaas ng ani ng mga magsasaka.
Sa huli, nagpasalamat rin si Gng. Nelia B. Oreiro, Municipal Agriculturist ng Calintaan sa magandang mga programa na naibahagi sa lalawigan ng Occidental Mindoro, hindi aniya magiging masaya ang kanilang mga kliyente kung wala tulong mula sa pamahalaang nasyunal.