Matagumpay na naisagawa ng Department of Agriculture-MIMAROPA, sa pamamagitan ng Agribusiness and Marketing Assistance Division (AMAD), ang pagkilala sa kasipagan, tiyaga, at kahusayan ng mga kabataang Pilipino sa 2024 Young Farmers Challenge (YFC) Provincial and Regional Awarding Ceremony na ginanap noong ika-24 ng Abril , sa Great Eastern Hotel, Quezon City.
Mahigit apat na milyong piso na start-up capital ang ipinamahagi ng Kagawaran sa mga nagwagi mula sa iba't ibang kategorya.
Para sa Provincial Level Awarding, 32 kalahok ang nagwagi sa Start-Up Category, bawat isa ay nakatanggap ng Php 80,000.00 na start-up capital at isang plaque of recognition.
Sa Intercollegiate Category, sina Rafael Madsam, Mizelle Angelie Calanday, at Matt Ian Bucao ng Palawan State University - Team PetroTechs ang nag-uwi ng Php 200,000.00 start-up capital at plaque of recognition.
Samantala, sa Upscale Category, tumanggap ng Php 300,000.00 start-up capital at plaque of recognition sina: Jeriza Kristine De Vera Page ng Nutripage; Jestoni M. Atienza ng KMJC at Noriel Chavez Emag ng Mays Zea Yellow Corn Products.
Mula sa hanay ng Provincial Awardees, pinili rin ang mga Regional Awardees na tumanggap ng karagdagang Php 150,000.00 na kapital, bukod pa sa kanilang Php 80,000.00 na napanalunan. Sila ay sina: Mark Marlon Gutierrez Suarez – Chickelon Agri-Fastfood; David T. Fadriquel – Tropin (Tropical Coconut Biscuits); Jon Mae Airwin C. Lacangan – Krisps Craze Chips; Keith Anthony Sarzuela Fabro – Project Forest; Kristalyn Bediores Sumioag – Quackwise Enterprises; Kierdon Ladines Talde – Bukid Josefina; Rose Anne Belina Damilig, Novie Ann D. Domincil, at Rose Angel M. Delos Santos – AquaCrayTech
Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni Atty. Christopher R. Bañas, Regional Executive Director ng DA MIMAROPA, ang kahalagahan ng pagkilalang ito para sa mga kabataang Pilipino. "Nawa’y magsilbing inspirasyon ang pagkilalang ito upang lalo pang magsikap ang mga kabataang magsasaka na abutin ang kanilang mga pangarap. The DA MIMAROPA will remain committed to supporting you with funding, trust, partnership, and belief in your capacity to transform Philippine agriculture," ani RED Bañas.
Samantala, si G. Ruben M. Lanot II, Chairman ng YFC Panel of Judges at naging Guest Speaker ng seremonya, ay nagbigay inspirasyon sa mga awardees: "In a world of many trends, you chose to build our land while others walked the path of convenience. You’ve chosen commitment. You said yes sa putik, sa pawis, at sa init ng araw — and that makes you powerful," aniya.
Nagpaabot naman ng taos-pusong pasasalamat si Jeriza Kristine D. Page, isa sa mga YFC Upscale Awardees, sa DA MIMAROPA: "Salamat po sa tiwala at suporta. Sa pagbibigay ng oportunidad sa aming mga kabataan, kahit wala po kaming background sa agrikultura, binuksan ninyo ang pinto para matuto kami, magsimula, at mangarap ng mas malaki."
Ayon naman sa mensahe ni Regional Technical Director for Operations Vener L. Dilig na binasa ni Regional YFC Focal Person Meljohn Docejo. "Higit pa sa mga award, what we celebrate today is a movement - a movement led by young people who are not afraid to plant, to pitch and to pioneer but within vision, innovation and impact. So I encourage all of you to keep planting ideas. Keep believing in your capacity to grow and never stop nurturing the communities around you," kanyang pagbabahagi.
Maliban sa pagkilala sa mga nagwagi, ginawaran din ng pagkilala ang mga participating Local Government Units (LGUs) at State Universities and Colleges (SUCs) na naging bahagi ng tagumpay ng programa.
Dumalo rin sa seremonya sina G. Jophet Constantino, kinatawan ni Senator Imee Marcos; National YFC Focal Person John Romar Pedrigal, kinatawan ni Secretary Francisco Tiu Laurel Jr.; AMAD Chief Randy R. Pernia; at Regional YFC Focal Person Meljohn Docejo, kasama ang iba’t ibang kinatawan mula sa LGUs at SUCs.