DA-MIMAROPA, pinapalakas ang pagsulong sa Farm and Fisheries Cluster and Consolidation Program, unang summit ginanap

Pinapalakas ng Department of Agriculture (DA) – MIMAROPA ang pagsulong sa ng Farm and Fisheries Clustering and Consolidation Program (F2C2) sa pamamagitan ng pagsasagawa ng kauna-unahang Regional F2C2 Cluster Summit. Gaganapin ito simula ika-29 hanggang ika-31 ng Agosto sa Development Academy of the Philippines, Tagaytay City.

Ang F2C2 Program ay naisakatuparan sa pamamagitan ng Administrative Order No. 20 taong 2020 na nilalayon na pagsama-samahin ang mga grupo ng mga magsasaka at mangingisda na may magkakatulad na produkto upang maabot nila ang economies of scale at mas palakasin ang kanilang bargaining and market power.

Samantala, nasabing tatlong araw na aktibidad ay may temang “F2C2: A Strategy for Sustained Rural Development” na naglalayon na pagsama-samahin ang mga nabuong clustered farms sa rehiyon at mga farmers cooperatives and associations (FCA) upang magkaroon ng pag-uusap ukol sa kasalukuyang pag-iimplementa ng estratehiyang clustering and consolidation, malaman ang mga hamon at isyu, at makabuo ng network kasama ang iba’t ibang stakeholdes sa sektor ng agribusiness.

Pinangunahan ni Department of Agriculture (DA) – MIMAROPA Regional Executive Director Engr. Maria Christine C. Inting ang pagbubukas ng naturang programa kasama sina Regional Technical Director for Operation/F2C2 Regional Focal Person Dr. Celso C. Olido. Dinaluhan naman ito ng mga miyembro ng mga FCAs mula sa iba’t ibang probinsya sa MIMAROPA, kinatawan mula sa mga iba’t ibang kinauukulang ahensya at tanggapan gayundin ang mga katuwang na investors at kumpanya ng kagawaran.

“So sabi nga po, malayo pa po ang ating kailangang marating but sabi nga, one step at a time. Kino-congratulate ko rin po kayo lahat dahil in three years’ time marami na rin tayong nagawa lalo na ang grupo ng F2C2. May our commitment and dedication will never be waivered, and may we be blessed with more strength to give the best effort for the agriculture (sector),” saad ni RED Engr. Inting.

“Napakahalaga ng summit na ito, para itong ligawan ng isang binata at dalaga kase bukod sa naririto ang yung magigiting natin na clusters na existing sa buong MIMAROPA region nandito rin yong mga magigiting natin na investors tulad ng Project Zacchaeus,” ayon naman kay RTD Dr. Olido.

Dagdag pa, nagsilbi naman na keynote speaker sa gawain si F2C2 National Program Director Shandy M. Hubilla. Bagama’t hindi ito nakapunta ng personal, pinasalamatan niya ang pagsisikap ng DA-MIMAROPA sa patuloy na pagtulong sa mga magsasaka at mangingisda.

“Inaasahan natin na sa pamamagitan ng F2C2, mas makamit natin ang ating layunin na magdagdagan ang kita ng ating magsasaka at masiguro na laging may pagkain sa hapag kainan ng bawat pamilyang Pilipino,” aniya.

Sa kabilang banda, ibinalita naman ni F2C2 Report Officer Rustom N. Gonzaga ang Situationer and Updates ng programa. Base sa F2C2 Brief Updates and Accomplishment, mula sa 90 nilang na target nilang cluster, umabot sa 105 ang kanilang natukoy sa rehiyon na kung saan 70 dito ang kanila nang na-validate.

Sa pamamagitan rin ng F2C2, napagtagumpayan ang pagsasagawa ng iba’t ibang Public and Private Partnership. Kabilang na dito ang Php300 milyong investment for Rice Processing Complex sa Sablayan, Occidental, Mindoro; Memorandum of Understanding with Jollibee Group Foundation for Agro-Enterprise Clustering Approach (AECA) Implementation; investment opportunity with KLT Fruits Inc. para sa pagpapatayo ng Mango Processing Center sa Narra, Palawan; at 200mt market demand ng ube mula sa AMIA Village. Tinutulungan rin ng programa ang mga magsasaka sa market matching tulad ng White Onion Cluster sa Paluan, Occidental Mindoro na nagsimula nang magdeliver sa Jollibee Group Foundation at Php 300,000.00 market opportunity para sa animal raisers sa Oriental Mindoro.

Bukod dito, nagkaroon rin ng talakayan tungkol sa Fisheries’ Cooperative Situationer and Updates at Philippine Rural Development Project (PRDP) – Scale Up. Nagsagawa rin ng plenary session na kung saan ibinahagi rito ang DA-ACPC Agri-Fishery Credit Program, SeedWorks Philippines Inc. Company Profile, RU-EcoAgri Farmers Assistance Program at Implementation of Agro-Enterprise Clustering Approach habang aktibo namang nakinig at lumahok ang mga partisipante sa isinagawang open forum.

Masayang ikinewento ng ilang magsasaka mula sa FAs/FCAs ang kanilang naging karanasan, natutunan at pinagdaan sa implementasyon ng F2C2 Program at kung paano ito nakatulong upang higit na umunlad ang kanilang samahan at pataasin ang kanilang produksyon at kita.

Isa na dito si Mervin Lolong, presidente ng Makapili Vegetable Farmers Association sa Pinamalayan, Oriental Mindoro. Sa kabila ng kaniyang pinagdaan, ibinahagi niya na ang DA-MIMAROPA ang isa sa mga naging daan para maging matagumpay ang kanilang asosasyon simula ng itatag ito noong 2008.

“Noong di pa kami clustered, nakaranas kami ng pagkalugi noong bumagsak ang presyo ng gulay, umabot sa mahigit isang milyon ang nawala sa amin ngunit sa tulong ni sir Rustom, F2C2, kami ay natuto at nagkaroon ng tamang pamamahala sa aming mga inaaning gulay. Nadagdagan din ang aming kita na napakalaking katulungan sa mga miyembro ng Makapili,” ayon sa kaniya.

Samantala, may makikita rin na booth na itinayo sa loob venue na nagbebenta ng iba’t ibang processed products na gawa ng iba’t ibang FCAs mula sa limang (5) lalawigan sa rehiyon.

DA X Farm Konekt

Paglagda ng mga opisyales ng Department of Agriculture – MIMAROPA at Project Zacchaeus sa Memorandum of Agreement (MOA) para sa proyektong Farm Konekt.

Bukod dito, isang Memorandum of Agreement (MOA) naman ang pinirmahan sa pagitan ng DA-MIMAROPA at Project Zacchaeus para sa proyektong Farm Konekt. Lumagda sa nasabing kasunduan sina RTD for Operation/F2C2 Regional Focal Person Dr. Olido at RED Engr. Inting kasama ang kinatawan ng nasabing enterprise sa pangunguna ni Chief Executive Officer John Vincent Gastanes kasama ang kaniyang Chief of Staff Carlo Enrico Placio Santiago.

Nilalayon ng Farm Konekt na lumikha ng isang sustainable clustered production ng high-value at lowland vegetables sa pamamagitan ng data-driven clustered at climate-proof production sa mga maliliit at mahihirap na magsasaka.

Ayon kay Gastanes, ang kanilang kompanya ang tamang tulay para i-market ng mga agriprenuers ang kanilang mga produkto dahil sa kanilang kapasidad. 

“Kami po yung perfect international port para i-market ng mas mataas ang price value ng commodity. Kaya ang happy ko lang po dahil ngayong October magro-roll out na po yung aming system sa mga buyers from Brunei, Malaysia at the same time may barko na rin po kaming maglalayag sa October and magiging part po dito ang MIMAROPA Region,” aniya.

Ang Farm Konekt ay isang community-based farm management enterprise na tumutuon sa data driven clustered production at community-based tech driven production, inventory at impact-based leadership development. Idinisenyo ang aplikasyon na ito upang tulungan at pabilisin ang pag-unlad ng mga magsasaka na kung saan may apat (4) itong main features, ito ay ang Capacity Building, Farmer Clustering, Matchmaking, at Agritech Integration System.

Naniniwala ang Project Zacchaeus na sa pamamagitan ng Farm Konekt, malaki ang magiging oportunidad ng mga magsasaka na paunlarin ang kanilang operasyon, pataasin ang kanilang kapasidad at palakihin ang kanilang kabuhayan.


Print   Email