Itinalaga bilang Chairman ng Task Force El Niño ang Department of Agriculture-MIMAROPA (DA-MIMAROPA) sa pamumuno ni Regional Executive Director Engr. Ma. Christine C. Inting matapos ang ginanap na botohan kasama ang iba’t ibang kinauukulang ahensiya sa Meeting for the Immediate Interventions on El Niño in MIMAROPA Provinces na ginanap sa Calapan City, Oriental Mindoro, ika-11 ng Mayo.
Pinangasiwaan ang pagpupulong ng Planning, Monitoring and Evaluation Division (PMED) ng DA-MIMAROPA sa pangunguna ng Division Chief nito na si Dr. Nex D. Basi na dinaluhan rin ni RED Inting kasama si Mr. Vener Dilig, Regional Technical Director for Research and Regulations, mga division heads ng kagawaran, mga kinatawan ng iba’t ibang kinauukulang ahensya, DA Banner programs at DA-MIMAROPA.
Samantala, ang National Economic Development Authority-MIMAROPA at National Irrigation Administration- MIMAROPA ang kinilala bilang Vice-Chairman nito. Binubuo naman ng Philippine Coconut Authority (PCA), Philippine Fisheries Development Authority (PFDA), National Urban and Peri-Urban Agriculture Program (NUPAP), Bureau of Soils and Water Management (BSWM), Philippine Rice Research Institute (PhilRice), Philippine Fiber Industry Development Authority (PhilFIDA), Agricultural Credit and Policy Council (ACPC), Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), Agricultural Training Institute (ATI), Philippine Crop Insurance Corporation (PCIC), National Food Authority (NFA), National Meat Inspection Service (NMIS), at Department of Science and Technology (DOST) ang miyembro ng task force.
Ang pagbuo ng task force ay bahagi ng paghahanda sa posibleng epekto ng El Niño sa rehiyon. Sila ang mga mangangasiwa sa implementasyon ng mga iba’t ibang interbensyon upang mabawasan ang malaking epekto ng El Niño sa mga magsasaka at mangingisda sa rehiyon.
“Kailangan na maunang magplano, so pinapaayos na rin po yan sa atin ng ating president at current secretary, na kailangan magkakaroon po tayo ng El Niño Task Force, naumpisahan na po natin yan. And then, ang commitments and provisions, this is the agenda proper, for initial interventions ng bawat agencies,” saad ni RED Inting.
Bukod sa pagbuo ng task force, binigyang-pansin din sa pagpupulong ang mga programa at serbisyo na maaari pang ibigay ng mga dumalong concerned agencies sa iba’t ibang sektor na lubhang maaapektuhan ng nasabing weather phenomenon. Isa-isang inilahad ng bawat kinatawan ang kanilang mga paghahanda at hakbangin upang tulungan ang Kagawaran ng Pagsasaka sa implementasyon ng mga planong interbensyon.
“So kailangan po natin i-summarized, after po natin makapag-usap ay ma-establish ang plano pati ang task force, we will cascade this by provincial level up to municipal level, as much as possible,” mensahe ni RED Inting.
Sa huli, hinihikayat pa rin ni RED Inting ang mga dumalong ahensya na makipag-ugnayan sa bawat probinsya sa rehiyon upang tulungan ang mga ito sa pagbuo ng mga programa para sa epekto El Niño.