News and Events

Binibilang ng Cashier staff ang cash assistance na tatanggapin ng isa sa mga benepisyaryo sa Mansalay sa pangunguna ni Cashier Chief Ruby Goce kasama si RDRRM Focal Person Engr. Maria Teresa Carido.
Binibilang ng Cashier staff ang cash assistance na tatanggapin ng isa sa mga benepisyaryo sa Mansalay sa pangunguna ni Cashier Chief Ruby Goce kasama si RDRRM Focal Person Engr. Maria Teresa Carido.

DA-MIMAROPA namahagi ng mahigit Php 47.7M tulong sa mga magbababoy sa OrMin na apektado ng ASF

Sinimulan ng ipamahagi ng Department of Agriculture – MIMAROPA ang unang batch ng African Swine Fever Indemnification sa mga magbababoy sa Oriental Mindoro na naapektuhan ng ASF simula ika-7 hanggang ika-11 ng Oktubre, 2024. 

Pinangasiwaan ang pamamahagi ng Regional Disaster Risk Reduction and Management sa pangunguna ni Focal Person Engr. Maria Teresa Carido; Livestock Program; Cashier Section sa pangunguna ni Cashier Chief Ruby Goce; at Regulatory Division kasama si Supervising Agriculturist Artemio Casareno. Kasama din sa bumubuo ng ASF Working Committee ang Municipal Agriculture Office (MAO).

Kabilang sa mga nakatanggap ng cash assistance ay nagmula sa bayan ng Mansalay, Bulalacao, Roxas, Bongabong, Bansud, Pinamalayan, Gloria, at Pola. Umabot sa 1,247 na hog raiser dito ang tumanggap ng ayuda mula sa DA-MIMAROPA na may kabuuang halaga na Php 47.78 milyon. 

Aabot sa Php 5,000.00 hanggang Php 100,000.00 ang nakuha ng mga benepisyaryo sa ilalim ng Quick Response Fund (QRF) ng kagawaran na kung saan ang naturang cash assistance ay ibinigay sa mga natukoy na magbababoy na kusang nagpa-depopulate ng kanilang mga alagang baboy dahil sa banta at pagkalat ng ASF sa mga nasabing bayan.

Maaari nilang gamitin ang kanilang natanggap na ayuda bilang puhunan sa nais nilang negosyo o hanapbuhay upang makapagsimula ulit kung kaya’t lubos ang pasasalamat ng mga ito sa financial assistance na ipinagkaloob sa kanila.

“Nagpapasalamat po ako sa DA dahil sa panibagong pangkabuhayan na ibinigay nila para sa amin. Ito po ay gagamitin ko sa pag-aalaga ng kambing o kaya ay panimula sa pagtatayo ng tindahan,” saad ni Ailyn Rico mula sa B. Del Mundo, Mansalay.

“Dahil sa mga nakalipas na pangyayari sa aming mga baboy, gagamitin ko po ang ayudang aking natanggap sa pagsimula ng negosyo para sa aming ikabubuhay. Maraming-maraming salamat po sa DA sa suportang ibinigay nyo sa amin,” ayon naman kay Michelle Loro ng Brgy. Panikihan, Pola.

Sa kabilang banda, gaganapin din ang naturang ASF indemnification distribution sa Occidental Mindoro at Romblon na kung saan tinatayang nasa 24 ang makakatanggap ng cash assistance sa Occidental Mindoro na nagkakahalaga ng Php 205,000.00 habang 164 na benepisyaryo naman sa Romblon na may kabuuang halaga na Php 3,065,000.00.

Samantala, ang ASF Indemnification Program ay idinisenyo upang magbigay ng pinansyal na tulong sa mga magsasaka na boluntaryong nagpa-depopulate ng kanilang baboy na naapektuhan ng ASF na naglalayong maiwasan o makontrol ang mga sakit ng hayop sa pamamagitan ng pagbibigay ng tulong pinansyal at/o credit assistance sa mga magsasakang maaapektuhan ng mga operasyon ng gobyerno para sa pagpatay ng hayop. Nilalayon din nito na mabawasan ang mga pagkalugi sa produksyon at hikayatin ang mga mag-aalaga ng maagang pag-uulat ng mga aktwal o hinihinalang kaso ng sakit sa kanilang mga hayop upang maiwasan ang pagkalat ng sakit. 

Image

Republic of the Philippines

All content is in the public domain unless otherwise stated.

About GOVPH

Learn more about the Philippine government, its structure, how government works and the people behind it.