Mula sa pinagsama-samang bigayan ng pera ng mga kawani ng Department of Agriculture – MIMAROPA, nasa mahigit 180 na katutubong mangyan mula sa Brgy. Alcate, Victoria at Brgy. Balatasan, Bulalacao sa Oriental Mindoro ang tumanggap ng gift packs sa kagawaran bilang munting handog ng mga ito ngayong lumipas na kapaskuhan.
Isa-isang tinanggap ng mga benepisyaryo ang ayudang nagmula sa DA-MIMAROPA na kung saan pinangunahan ni Regional Executive Director Engr. Ma. Christine C. Inting ang pamamahagi nito kasama sina Oriental Mindoro Agricultural Program Coordinating Officer Artemio Casareno, Chief of Staff Edmar Mendoza, High Value Crops Development Program (HVCDP) Regional Focal Person Renie Madriaga, at mga kawani ng Agribusiness and Marketing Assistance Division (AMAD).
“So ito po may konti kaming dala, konting ayuda, inyo pong pagdamutan ang nakayanan ng Department of Agriculture – MIMAROPA through the initiative ng aming opisina. Ang buong opisina po ang nagdonate para makabili kami ng konting ipamimigay sa inyo,” ayon ay RED Engr. Inting.
Tinatayang nasa animnapung (60) pamilya ang nabigyan sa Brgy. Alcate, Victoria habang nasa 126 naman sa Brgy. Balatasan. Naglalaman ang bawat gift packs ng bigas, canned goods, instant noodles, asukal, at patis gayundin ay nabigyan rin ang mga ito ng butong pananim mula sa HVCDP. Bukod dito, nagkaroon din ng feeding program para sa mga batang mangyan sa Brgy. Balatasan na lalong ikinatuwa ng mga katutubo ng nasabing lugar.
Bilang tugon, lubos ang pasasalamat ng mga benepisyaryo sa DA-MIMAROPA dahil sila ang napili ng tanggapan na mabigyan ng ayuda mula sa pamahalaan.