Nakibahagi ang Kagawarang ng Pagsasaka Rehiyon ng MIMAROPA sa pagdiriwang ng ika-104 na anibersaryo ng pagkakatatag ng probinsiya ng Marinduque sa pamamagitan ng pagiging panauhing pandangal ni Regional Executive Director Atty. Christopher Bañas, ika-21 ng Pebrero.
Sa temang “Mga Aral ng Kasaysayan Gabay sa Pag-Unlad ng Lalawigan” binigyan diin ni RED Bañas sa kanyang keynote message ang sakripisyo at paglinang ng ating mga ninuno sa agrikultura na siya ngayong sandigan ng pag-unlad ng bansa. Kaya naman pinasalamatan at binati niya ang pagbibigay tuon ng lokal na pamahalaan sa mga proyektong pansaka bilang isa sa mekanismo ng pagpapaunlad ng lalawigan.
“Noon pa man ang agrikultura at pangingisda ang pangunahing hanap-buhay ng ating mga ninuno, ang kanilang sakripisiyo at pagsusumikap ang siyang humubog sa ating kasaysayan na naging sandigan natin ngayon sa ating pagpapaunlad. Nakakatuwa na ito’y binabalikan sapagkat ito’y makakatulong upang ibalik natin ang interes ng mga kabataan sa pagsasaka at pangingisda,” kanyang sinabi.
Inisa-isa niya rin ang aktibong pakikibahagi ng mga kabataan ng probinsiya sa Young Farmers Challenge, paglawak ng taniman ng cacao, ang kanilang tagumpay sa pagsugpo ng African Swine Fever, at iba pa. Binahagi niya rin ang ilang nakalatag na proyekto at mga napag-usapang proyekto kasama si Cong. Lord Allan Velasco.
Parte din ng programa ang paggawad ng ahensiya ng mga interbensiyon sa mga magsasaka na pinapalooban ng 26 rolls na UV Film, apat (4) hand tractor, 12 power sprayer, 1 village type dryer at trading fund. Tinanggap ito ng 29 na samahan ng mga magsasaka ng anim (6) na Municipal Local Government Unit ng Probinsiya, at ng Provincial Government. May kabuuang halaga ng higit Php7.044 milyon ang mga naipamahaging interbenisyon galing sa ahensiya.
Ang programa ay inorganisa ng Provincial Local Government of Marinduque sa pangunguna nina Governor Presbitero Velasco at Vice Governor Adelyn Angeles. Isa rin sa panauhing pandangal si Senator Christopher Lawrence “Bong” Go at kasama din sa mga dumalo sina Philippine Coconut Authority Regional Manager Bibiano Concibido, Jr., DA Regional Technical Director for Operations Dr. Celso Olido, Regional Technical Director for Research and Regulations Vener Dilig, Agricultural Program Coordinating Officer Dr. Lucila Vasquez, iba pang mga opisiyal ng lalawigan at mga regional agencies.
Consultative Meeting
Matapos naman ang programa para sa ika-104 na pagkakatatag ng Probinsiya ng Marinduque, nagsagawa naman ng Consultative Meeting ang Office of the Provincial Agriculturist (OPAG) upang linawin sa mga opisyal ng Kagawaran ng Pagsasaka ang ilang mga isyu at problema sa pagpapatupad ng ilang alituntunin ng ahensiya. Naging pagkakataon din ito upang magpakilala ang bagong RED. Katuwang naman sa pagsagot sa mga tanong ang mga RTD at PCA Regional Manager Consibido.
Dinaluhan ito ng mga Municipal Agriculture Officer ng anim na bayan ng probinsiya, mga chairperson ng Provincial Agriculture and Fishery Council, Municipal Agriculture and Fishery Council, Municipal Fisheries and Aquatic Resources Management Council, at mga kawani ng OPAG sa pangunguna ni Provincial Agriculturist Ed de Luna at Asst. Provincial Agriculturist Susan Uy.