Ang dalawang (2) araw na pagpupulong ng mga City/Municipal Agriculturist ng Palawan ay pinangunahan ng DA-MIMAROPA Rice Program sa pamamagitan nina Ronald Degala, ang Rice Focal person at Maria Theresa Aguilar, ang Chief ng Operations Division.
Ang pambungad na pagbati sa lahat ng kalahok sa pagpupulong ay ibinigay ni Dr. Romeo Cabungcal, ang Provincial Agriculturist. Ayon sa kanya “makabuluhan at akma sa pagbabago ng liderato ng DA ang isinagawang pagpupulong na ito upang makapagbahagi sa atin ng mahahalagang aspeto upang mapaigting ang produksyon ng bigas at iba pang produktong pang-agrikultura tulad ng mais at paghahayupan. Ang aming tanggapan ay kapartner ng DA MIMAROPA para sa pagkamit ng kaseguruhan ng pagkain sa lalawigan ng Palawan.”
Nagbigay naman ng overview para sa pagpupulong na ito ang Chief ng Operations Division, Maria Theresa Aguilar. Ayon sa kanya ay mahalaga ang pagpupulong na ito sapagkat maliban sa Rice Program, kasama ding dumalo ang mga kinatawan ng lahat ng banner program at mga katuwang na ahensya tulad ng High-Value Crops Development Program, Livestock Program, Corn Program, Organic Agriculture Program, SAAD Program, PCIC, ACPC, NIA, ATI, Farm and Fisheries Clustering and Consolidation Program, PSA, PhilMech, at PhilRice. Sila ay magbibigay ng update sa kanilang mga programa at makakatulong sa pagtukoy kung paano magkakatulungan sa implementasyon ng mga programa at proyekto sa nasasakupang LGU ng mga MAO.
Ang unang araw ng pagpupulong ay ginugol para sa paglalahad ng mga updates ng programa at plano para sa taong 2023 ng mga nabanggit na DA banner at ahensya. Samantalang ng ikalawang araw naman ay natuon sa mga talakayan at workshops tungkol sa Masagana Program at Rice Program Interventions, at Cluster Establishment and Linking to Processing and Marketing.
Dumalo rin at nagpahayag ng kanyang mensahe para sa mga City/Municipal Agriculturist si Engr. Maria Christine C. Inting, ang DA-MIMAROPA Regional Executive Director (RED). Isa sa mahalagang tinuran ni RED Tin ay “ang approach natin ay bottoms up kaya dapat na matukoy ng bawat munisipyo kung ano ang inyong target at priority commodity para makapag scale-up tayo. Ang ating mga programa ay dapat na naka complement at mahalaga ang ating convergence para matupad natin ang ating mga plano para sa buong probinsya ng Palawan.”