Naglaan ng Php2.8-M na pondo ang Regional High-Value Crops Development Program (HVCDP) sa ilalim ng Kagawaran ng Pagsasaka sa Rehiyon ng MIMAROPA para sa libreng binhing ipapamigay sa mga probinsya ng Rehiyon.
Ito ay isang paghikayat ng Kagawaran sa pagtanim sa bakuran o likod-bahay upang magkaroon pa rin ng mapagkukuhanan ng sapat na sariwa at masutansiyang pagkain ang bawat pamilya sa kanilang hapag, lalo na ang mga nasa syudad, habang may banta ng COVID-19, pagpapaliwanag ni Kalihim William Dar. Ito rin ay magandang pagkakataon upang maging libangan ng bawat pamilya habang nakasailalim ang Luzon sa Enhanced Community Quarantine, dagdag naman HVCDP Focal Person Sonnie Sinnung
Ayon kay Gng. Sinnung ang pondo ay nakapagbili ng 322.75 kilos na binhing gulay katulad kalabasa, talong, kamatis, pechay, okra, upo, sitaw at baguio beans. Ang mga binhing ito ay paghahatian ng limang probinsiya sa rehiyon at dadalhin sa bawat bayan sa pakikipag-ugnayan sa mga City/Municipal Agriculture Office (C/MAO). Ang nasabing tanggapan ang siyang mamahala sa pamimigay ng mga binhi.
Sa Oriental Mindoro, nagsimula ng mamigay ang Agricultural Program Coordinating Office (APCO) ng mga binhing gulay sa mga bayan at nagsisimula na rin ang mga C/MAO mamigay ng mga binhi.
Mayroon na ring punla na pantamin ng saging na cardava at lakatan sa Regional Integrated Agricultural Research Center sa Brgy. Alcate, Victoria na mabibili ng P35/punla.
Samantala sa bayan ng Odiongan, Romblon, nabigyan na ng APCO ng probinsiya ang MAO ng nasambit na bayan noong nakaraang linggo mula sa dating imbak na binhi at may paparating pang ipamimigay mula sa nabanggit na pondo.
Paparating na rin sa probinsiya ng Occidental Mindoro, Palawan, at Marinduque ang mga binhi na para sa kanila. Ani ni Gng. Sinnung, medyo natatagalan lamang ang pagpapadala ng binhi gawa ng limitado lamang ang taohan sa tanggapan at ang biyahe ng mga barko at eroplano.
Habang hinahantay ang binhing galing sa National Office, ang Palawan Agricultural Center sa Brgy. Irawan, Puerto Princesa City ay namamahagi rin ng libreng organikong binhi at punla mula mismo sa kanilang taniman. Ang mga ito ay makukuha sa kanilang tanggapan at sa Palawan Research Experiment Station sa Brgy. Sta. Monica, Puerto Princesa City.
Iminungkahi ni Regional Executive Director Antonio Gerundio na may tatlong paraan sa paggamit ng binhi. “There are 3 possible schemes: Gulayan sa bakuran, Specialized production areas - with communal gardens like strawberry farms in Benguet, and the third is farm level commercial production intended for specific market,” kanyang pagpapaliwanag. (May tatlong paraan: Gulayan sa bakuran, tanimang bayan katulad ng strawberry farm sa Benguet, at pangatlo ay ang pangkomersiyal na produksiyon na nakalaan sa isang partikular na market.)
Iniutos rin ni RED Gerundio sa mga taohan sa probinsiya na siguradohing maipapamigay ang mga binhing ito sa mga kabayanan ng MIMAROPA. Ayon sa kanya, magtatalaga ang rehiyon ng tao upang ma-monitor ang mga napagbigyan at ang kanilang mga aanihin.