Naganap ang turn-over ceremony ng Kagawaran ng Pagsasaka-MIMAROPA sa pangunguna ng Agribusiness and Marketing Assistance Division (AMAD) ng isang wing van at isang refrigerated van sa ilalim ng Enhanced Kadiwa ni Ani at Kita Financial Grant Assistance Program.
Layunin ng Enhanced Kadiwa Program na makapagbigay tulong pinansyal sa mga karapat-dapat na magsasaka, mangingisda, asosasyon at kooperatiba sa bansa.
Ang Samahang Gumagawa Tungong Tagumpay Multi-Purpose Cooperative (SAGUTT MPC) ng Brgy. Paetan, Sablayan, Occidental Mindoro ay nakatanggap ng tulong pinansyal na 2.5 milyong piso at ito ay kanilang dinagdagan upang sila ay makapagpundar ng isang 10-wheeler wing truck.
Ayon sa kanilang manager, ang wingvan na ito ay malaki ang maitutulong upang mapaliit ang kanilang gastusin sa pagpapadala ng kanilang mga produkto sa mga karatig probinsya. Malaking tulong din ito upang mas mapabilis ang pagkilos ng kanilang mga produkto. “Ngayon po, anytime na may paP.O (Purchase Order), anytime na may produkto kami, ang bilis po makapagdeliver sa bodega o feed mill na pagdadalhan ng aming produkto,” kwento ni Marilou Maycong, manager ng SAGUTT MPC.
Sinisiguro din ng kooperatiba na ang wing van na ito ay makakatulong sa iba pang magsasaka ng Occidental Mindoro. Ang aming sentro ng layunin po ay makatulong lalo na sa mga maliliit na magsasaka at mabago po ang buhay ng mga tao dito sa Occidental Mindoro,” pahayag ni Livilyn Castillo, chairman ng SAGUTT MPC.
Bukod sa pinansyal na tulong ng kagawaran sa ilalalim ng Enhanced Kadiwa Program nakatanggap din ang SAGUTT MPC ng 20 pirasong paleta na nagkakahalaga na P87,000.00 at 30 pirasong plastic crates na nagkakahalaga na P20,940.00 na kanilang magagamit sa produksyon ng mais at palay.
Sa kabilang banda, ang Lourdes Multi-Purpose Cooperative naman ng Magsaysay, Occidental Mindoro ay nakatanggap ng tulong pinansyal na 1.1 milyong piso na kanila ring dinagdadagan upang makabili ng isang refrigerated van.
Ang refrigerated van na binili ng Lourdes MPC sa tulong ng Enhanced Kadiwa ay kanilang gagamitin sa pagpapalawak pa ng kanilang pagdedeliver ng produkto sa Jollibee Foods Corporation (JFC). Sa ngayon, isa ang Lourdes MPC sa supplier ng JFC ng puting sibuyas at layunin ng kooperatiba na maging supplier rin ng peeled onions kung saan magagamit nila ang refrigerated van sa pagdedeliver nito.
“Amin pong magagamit ang refrigerated van upang ang aming produce na maliliit o hindi pasok sa gustong laki ni JLC ay amin din pwedeng madeliver sa iba pang institutional buyers at sa Jollibee,” ani ni Rhencor Julian, Support Service Development Head ng Lourdes MPC.
Bukod sa refrigerated van ay nakatanggap din ang Lourdes MPC ng 20 pirasong plastic crates na nagkakahalaga na P13,960.00 na kanilang magagamit sa pagsasalansan ng kanilang mga sibuyas at iba pang produkto.
Lubos ang pasasalamat ng mga kooperatiba na nakatanggap ng tulong pinansyal at iba pang kagamitan mula sa Enhanced Kadiwa Program ng kagawaran. “Sobrang pasasalamat po namin sa DA, sa Kadiwa sa pagbibigay po sa amin ng truck na to na talagang magagamit po namin, lalong-lalo na ng maliliit naming farmers na hirap na hirap idispose yung kanilang produkto,” pasasalamat ni Marilou.
“I hope na gamitin niyo ng maayos yung mga resources na ibinigay namin at gamitin niyo ito sa paglilingkod sa ating mga maliliit na magsasaka at tumulong tayo sa iba pa na nangangailangan,” paalala ni RED Antonio G. Gerundio, Regional Executive Director ng DA-MIMAROPA.
Sinaksihan ng mga opisyal at mga piling mga miyembro ng SAGUTT MPC at ni APCO Gerardo Laredo ang pagpapasinaya ng truck sa Brgy. Paetan, Sablayan, Occidental Mindoro.
Sa Lourdes MPC sa Magsaysay, Occidental Mindoro ay sinaksihan rin nina Mayor Cesar Tria, OIC MAO Richard Ochavez, APCO Gerardo Laredo at mga piling miyembro ang turn-over ceremony ng refrigerated van.