35 bags ng Open Pollinated Variety (OPV) Var6 corn seeds ang muling ipinamahagi ng Corn and Cassava Program ng Department of Agriculture- MiMaRoPa Region sa probinsya ng Marinduque. Ito ay malaking suporta sa Plant, Plant, Plant Program o 4Ps ng kagawaran.
"Kami ay handa pong magbigay tulong sa mga magmamais hindi lang po sa probinsya ng Marinduque pati na din po sa iba pang probinsya ng MiMaRoPa lalo’t higit s panahon po ng pandemya," sabi ni Engr. Ma. Christine C. Inting, Regional Corn and Cassava Focal Person.
Ayon kay Engr. Inting, ang mga binhi ng mais ay nahingi sa Bureau of Plant and Industry - Manila, kaya nakapamigay agad ng kinakailangang pananim ng mga magsasaka sa Marinduque. Ang unang batch ay 10 bags. Walo (8) ang ipinamahagi sa munisipyo ng Torrijos at ang dalawang (2) bags ay ibinigay ng Agricultural Program Coordinating Office (APCO) sa mga walk-ins. Samantala, ang pangalawang batch naman ay 25 bags. Ibinigay ang 12 bags sa munisipyo ng Buenavista, anim (6) para sa Torrijos, isa (1) para sa Boac at ang anim (6) ay para sa mga walk-ins sa opisina ng APCO.
Ayon naman kay Mayor Nancy Madrigal ng Buenavista, nakita nya ngayong panahon na may COVID-19 na maganda at naitanim ng mga residente ang mga buto na galing DA kaya hindi nahirapan sa pagkain ang mga tao. Dahil dito hinikayat nya pa ang mga mamamayan na maglinis ng taniman habang walang ginagawa. Dali-dali namang ipinamahagi ni Mayor Madrigal sa mga magsasaka nang matanggap na ang corn seeds mula sa DA. Ito ay hinati-hati sa tig-dalawang kilo upang maipamahagi sa mas maraming magsasakang nangangailangan sa kanilang lugar.
"Ang sinabi ko sa kanila, ang gusto kong mangyare ay magpalit sila ng binhi, yang dalawang (2) kilo ibabalik nila upang maging pananim uli kaya magiging apat (4) na kilo ito dahil para sa kanila parin naman yan," sabi ni Mayor Madrigal. "Napakalaking bagay po itong mga buto na ito, sabi ko nga kapag itong mga buto ay nagka-ugat at nagkaroon ng buhay ay magiging pagkain po ng tao. Ako po ay nagpapasalamat sapagkat ang support ng DA ay hindi nagkulang kundi sapat-sapat at may sobra pa nga," pasasalamat ni Mayor Madrigal.
Samantala, pasasalamat rin ang nais ipabatid ni Pastor Arnold Calizo ng Torrijos, Pangulo ng Philippines Heart Baptists Church Farmers Association, dahil sa dalawang (2) bag ng binhi na kanilang natanggap. Ayon kay Pastor Calizo, higit sa 20 silang myembro ng asosasyon ang naghati-hati sa binhing natanggap at halos lahat ay nakapagtanim na at ngayon ay tumutubo na. "Nagpapasalamat po kami, malaking tulong po ang mga binhi na binigay sapagkat ngayong may lockdown ay wala kaming pambili. Malaking bagay na po ito sa amin hindi man po sapat sa pangangailangan talaga dahil marami ring nagtatanim dito pero malaking tulong po talaga ito sa amin," sabi ni Pastor Calizo.
"Asahan po ninyo ang agaran o mabilisang aksyon ng aming programa upang makatulong ng malaki sa mga magmamais ng Marinduque, magkaroon ng dagdag ani, kita at higit sa lahat pang kain sa panahong ito," dagdag ni Engr. Inting.
Ang bawat bag ng binhi ay 20 kilos at ang pamamahagi ng mga ito na ay pinamahalaan ng opisina ng APCO sa pamumuno ni APCO Lucila J. Vasquez. "In behalf po ng aming Director Antonio G. Gerundio, maraming salamat po sa magandang balita at sa pagtugon sa panawagan ni Sec. William D. Dar upang magtanim nang may makain sa hapag," pasasalamat ni Engr. Inting.