Pinangunahan ng Department of Agriculture-MiMaRoPa ang muling pamimigay ng financial assistance sa mga maliliit na magsasaka ng Occidental Mindoro sa ilalim ng Rice Competitiveness Enhancement Fund- Rice Farmers Financial Assistance (RCEF-RFFA) Program na ginanap sa Bayan ng Mamburao noong ika-6 ng Disyembre.
Ang RCEF- RFFA ay nagbibigay ng tulong pinansyal sa mga maliit na magsasaka na nakarehistro sa Registry Systems for Basic Sectors in Agriculture o RSBSA at may mas mababa ng dalawang ektarya ang sakahan.
Umabot sa 12,804 na maliliit na magsasaka ang makatatanggap ng halagang P5,000 bawat isa sa nasabing probinsya.
Isa sa mga nakatanggap ng tulong pinansyal ang magsaska na si G. Fernando Tuscano. Aniya, nagpapasalamat siya sampu ng kanyang mga kasamahang magsasaka dahil sa tulong na dala ng RCEF-RFFA. “Maraming Salamat po sa tulong na kaloob ng RCEF-RFFA. Dahil po dito may maipandadagdag na po kami sa pambili ng pang abono sa palayan namin. Nabawasan kahit papaano ang aming gagastusin sa aming bukirin,” kayang pahayag.
Ang ceremonial distribution ng RCEF- RFFA ay pinagunahan ni Undersecretary for Operations Ariel T. Cayanan, Assistant Secretary Arnel de Mesa, HVCDP National Director Glenn Panganiban, DA MiMaRoPa Regional Executive Director Antonio G. Gerundio, Mamburao Mayor Angelina Tria, Governor Eduardo Gadiano at Congresswoman Josephine Ramirez-Sato.
Katuwang ng DA- MiMaRoPa ang Universal Storefront Services Corporation (USSC) upang mas maging mabilis sa maayos ang pamamahagi ng tulong pinansyal sa mga maliliit na magsasaka.
Kasama din sa gawain ay ang pamamahagi sa 17 samahan ng mga magsasaka ng mga makinaryang pangsaka mula sa Rice, Corn, High-Value Crops Development Program, Kabuhayan at Kaunlaran ng Kababayang Katutubo na nagkakahalaga ng mahigit Php32 million.