Muling nakipagpulong ang Livestock Program ng Department of Agriculture-MIMAROPA (DA-MIMAROPA) sa mga kawani ng Office of the Provincial Agriculturist, Office of the Provincial Veterinarian Office, mga Office of the Municipal Agriculturist sa bayan ng Marinduque para sa paghahanda sa African Swine Fever (ASF) Sentinel Program sa probinsiya. Ginanap ito sa Office of the Municipal Agriculture Officer sa bayan ng Boac, ika-pito ng Pebrero, taong kasalukuyan.
Inanunsiyo rin dito na nasa pink zone na o wala ng naitalang baboy na apektado ng ASF sa loob ng 40 araw matapos ang depopulation sa lugar ang bayan ng Sta. Cruz.
Pinangunahan ang pagpupulong ni Livestock Program Regional Focal Person Dr. Teresa Altayo at Provincial Coordinator Cyril Gumba, kasama ang ilang kawani ng DA-MIMAROPA na sina Agriculture Program Coordinator Officer Dr. Lucila Vasquez, Regulatory Division Chief Michael Iledan, ASF Focal Person Dr. Vida Francisco, at National African Swine Fever Prevention and Control Program Field Coordinator Dr. Ed Alfred Zamora mula sa tanggapan ng Bureau of Animal Industry. Mainit naman na tinanggap ang mga panauhin ni Provincial Veterinarian Dr. Josue Victoria.
“Una po sa lahat, nagpapasalamat po ako na nandito po kayong muli. Sana po dito na po natin ma-finalize ang magiging recipient natin (sa sentinelling program),” kanyang sinabi sa pagbubukas ng pulong kung saan pinaalala niya ang pagsumite ng masterlist para sa makakatanggap ng sentinel na baboy sa probinsiya.
Kung matatandaan, ang probinsiya ay tinamaan ng ASF noong taong 2020 at inilagay ito sa red zone na sumisimbolo na mayroong outbreak sa lugar. Sa kasalukuyan, paunti-paunti ng bumababa ang kaso ng apektado nito kung saan ang bayan ng Sta. Cruz ay na-deklara ng nasa pink zone. Ibig sabihin nito ay wala ng naitalang kaso sa nasabing bayan ngunit mayroong kaso pa rin sa mga kalapit na bayan nito. Patunay nito ang mga sinumiteng dokumento katulad ng pagsasagawa ng mga programa laban sa ASF katulad ng Adoption and Implementation of BABay ASF, 100 porsyento pagtala ng mga hog raiser sa Registry System for Basic Sector in Agriculture (RSBSA), ulat ukol sa ASF history sa bayan, at talaan ng mga pagsasanay ukol sa swine biosecurity na dinalohan ng ilang magbababoy at kawani mula sa local government unit.
Base sa datos ng Regulatory Division na binahagi ni Dr. Francisco, ang mga bayan ng Mogpog, Buenavista, Torrijos ay nalalapit na rin na maging pink zone dahil sa mga naipasa nitong mga dokumento para sa zone progression mula sa pagiging red zone papuntang pink zone.
Samantala, ang mga bayan ng Boac at Gasan ay kinakailangan pang maiparehistro ang 50-48 porsyento ng kanilang mga hog raisers sa RSBSA, na isa sa pangunahing basehang datos ng mga nakakatanggap ng tulong mula sa kagawaran.
Tinalakay naman ni Dr. Zamora ang mga Technical Standard on the Procedures during Pre-Sentinel and Sentinel Period on Previously Infected Premises of African Swine Fever at Technical Standard on the Recommended Procedures for Cleaning and Disinfection (C&D) for Previously Affected Farms and C&D Monitoring Checklist.
Kanyang binigyan diin dito ang kahalagahan ng pagsasagawa ng maayos na biosecurity at ng Information, Education, Communication Campaign ukol sa mga palatuntunan ng Sentinel Program.
Pinaalala niya rin ang kahalagahan ng regular napaga-update ng hog raisers census para sa maayos na pagsasagawa ng surveillance.
Natapos naman ang pagpupulong sa Philippine Crop Insurance Corporation (PCIC), na katuwang ng kagawaran sa pamimigay ng agapay sa mga naapektohan ng ASF. Pinaliwanag ang indemnification program ng kinatawan ng tanggapan sa Marinduque na si Daisy Esplana.