Sa ikalawang pagkakataon, nagsama-samang muli ang mga kawani ng Department of Agriculture – MIMAROPA Livestock Program sa isinagawang CY 2023 Midyear Review and Consultative Meeting ng mga ito sa Puerto Galera, Oriental Mindoro upang talakayin ang mga iba’t ibang usapin sa industriya ng paghahayupan at accomplishment report nito.
Dinaluhan ito ng mga kinatawan mula sa tanggapan ng Agricultural Program Coordinating Officer (APCO), station heads, mga report officers mula sa Livestock Resource Center (LRC), Dairy Production and Development Center (DPDC), at Regional Integrated Agricultural Research Center (RIARC), at technical staff na may kaugnayan sa animal production.
Pinag-usapan dito ang estado ng mga target at accomplishment ng bawat probinsya sa MIMAROPA sa paghahayupan na kung saan tinalakay ni Christine Joy R. Capuyan, Regional Livestock Report Officer, ang kanilang Midyear Accomplishment Report. Layunin ng gawain na tukuyin ang mga hindi pa nila naabot na target sa taong ito gayundin ay bumuo ng plano kung paano ito masosolusyonan.
Bukod dito, iprinisenta rin ang mga plano sa pagpapataas ng produksyon ng mga hayop tulad ng baka, baboy, kambing lalong lalo na ang manok na malaki ang kakulangan sa distribusyon at produksiyon, base sa kanilang natanggap na report. Nagkaroon rin ng diskusyon kung paano sosolusyonan ang mga kasalukuyang hamon na kinahaharap sa industriya ng livestock kabilang na ang pagbuo ng mga estratehiya na makakatulong upang higit na mapaunlad ang kasanayan ng bawat isa para sa implementasyon ng NLP sa rehiyon.
Sa kabilang banda, pinangunahan naman ni Accountant II Neryll B. Anglo ang talakayan hinggil sa COA Circular No. 2023 – 004 habang itinuro naman ni Divina Gracia Binuya, Property/Bids and Awards Committee Secretariat, ang mga tamang paghahanda at mga kinakailangang gawain sa paggawa at pagpapasa ng Project Procurement Management Plan (PPMP) o Annual Procurement Plan (APP). Matapos ito, ipinakita naman ni Jaime Panisales, Officer-in-Charge ng Property, ang mga procurement requirements at mga dokumentong kailangang ipasa para dito.
Dagdag pa dito, ipinakita naman ng technical staff mula sa LRC ang proseso at mga kinakailangan kung paano i-avail ang livestock bull loan program na pinaplano ng RIARC na ipatupad at gamitin sa istasyon. Ang lahat ng mga istasyon ay sumang-ayon na manatili sa mga karaniwang parameter sa produksyon ng hayop batay sa aktwal na senaryo sa mga farm. Sa huling bahagi ng programa, ibinahagi rin dito ang final national expenditure program para sa FY 2024 na kung saan ang programa ay may kabuuang alokasyon na Php 142.83 milyon na kanilang gagamitin sa iba't ibang programa at proyekto sa rehiyon.
Dahil sa aktibong partipasyon ng bawat kawani ng Livestock program, naging matagumpay ang tatlong araw na aktibidad na kung saan sa tulong ng ito inaasahan nila na makakamit nila ang kasalukuyang target para sa taong ito gayundin sa mga susunod na taon.
Pinasalamatan ni Regional Livestock Focal Dr. Maria Teresa O. Altayo ang lahat ng dumalo sa nasabing programa. Aniya, naging maganda para sa kanya na nagkita silang lahat dahil maging ang staff ng Agricultural Program Coordinating Office (APCO) ay nakasama.
“Nagpapasalamat po ako sa lahat ng participants mula sa probinsya, facilities sa regional office. Sa akin po, naging maganda para sa akin na nagmeet tayo lahat, first time nakasama yung mga staff ng APCOs,” ayon kay Dr. Altayo.
Dagdag pa niya, “Siguro sa mga susunod, ang ating mga documents ay magiging maayos na po yung proseso hindi na gaya dati na isa lang yung i-a-accomplish, ibabalik sa Palawan tapos ibabalik sa Oriental Mindoro tapos kapag na-icomply na ibabalik ulit. Para sa akin, maganda na nangyari ito dahil alam ng bawat isa sa atin yung ating mga dapat ayusin, dapat nating gawin. Unang-una kailangan mayroon tayong malasakit sa ating mga trabaho lalong lalo na kung meron tayong mga programa na hinahawakan.”