Muling pinatunayan ng Department of Agriculture-MIMAROPA (DA-MIMAROPA) ang kalidad ng kanilang serbisyo matapos itong irekomenda para sa pagpapanatili ng ISO 9001:2015 Quality Management System Certification, ika-19 ng Mayo taong kasalukuyan. Ang audit ay isinagawa ng ACube Tic (ACT) International, isang third-party auditing body na siyang nagsuri sa pagpapatupad ng mga kalidad na proseso at sistema ng ahensya.
Bagama’t inirekomenda ang DA-MIMAROPA para sa pagpapanatili ng ISO 9001:2015 Certification, mayroon lamang itong ilang minor non-conformities na kinakailangang agad na tugunan at iakma ayon sa mga pamantayan ng Quality Management System ng tanggapan. Sa kabila nito, masaya naman binalita ng ACT auditors na wala namang naitalang major non-conformities na maaaring makasagabal o makaapekto sa pinal na desisyon para sa pagpapanatili ng sertipikasyon.
Nagpahayag naman ang pamunuan ng DA-MIMAROPA sa pamamagitan ni OIC-Regional Technical Director for Research and Regulations Ma. Theresa Aguilar na tutukuyin at aayusin ang mga ugat ng mga natukoy na maliit na kakulangan, upang mas mapahusay pa ang pagpapatupad ng mga proseso at serbisyo.
“Will look through the bottom of it at dadalasan namin ang pag-uusap ukol dito with Sir Nex Basi (Planning, Monitoring and Evaluation Division Chief),” kanyang mensahe sa pagtatapos ng audit.
Samantala, nagpaabot ng taos-pusong pasasalamat si Regional Executive Director Atty. Christopher Bañas sa lahat ng kawani ng DA-MIMAROPA sa kanilang masigasig na pagtupad sa mga alituntunin ng tanggapan at sa patuloy na dedikasyon para sa mahusay na serbisyo publiko.
“Isang taos-pusong pasasalamat sa aking mga kasamahan sa DA-MIMAROPA sa kanilang masigasig na pagsunod sa mga alituntunin ng ating tanggapan, at sa walang sawang dedikasyon ng bawat isa upang maisulong ang mas maayos at episyenteng serbisyo para sa ating mga stakeholders, lalo na sa mga magsasaka,” aniya.
Binigyang-diin din ni Atty. Bañas ang kahalagahan ng matalinong paggamit ng pondo ng bayan sa pamamagitan ng masusing systems check at pagpili ng mga programang may tunay na halaga sa sektor.
“Ipagpatuloy natin ang masusing pagsunod sa itinakdang systems check, at bigyang-priyoridad ang mga makabuluhang aktibidad na tunay na nagbibigay-halaga sa bawat pisong mula sa taumbayan.Sa ganitong paraan, mas mapapakinabangan ng ating sektor ang mga pondong inilaan ng pamahalaan, at magagamit pa ang mga natipid na pondo para sa iba pang proyektong pang-agrikultura,” dagdag niya.
Layunin ng ISO 9001:2015 Certification, sa pamamagitan ng QMS, na tiyakin ang pagkakaroon ng epektibong sistema sa pamamahala ng kalidad, na nagbibigay ng kumpiyansa sa publiko sa integridad ng mga institusyon ng gobyerno, partikular sa usapin ng paggamit ng pondo at pagpapatupad ng mga proyektong tumutugon sa seguridad sa pagkain, modernisasyon ng agrikultura, at pag-unlad ng kabuhayan ng mga magsasaka at mangingisda.
Ang DA-MIMAROPA ay unang ginawaran ng ISO 9001:2015 Certification noong ika-5 ng Abril 2024, bilang pagkilala sa kanilang malinaw na sistema ng operasyon at pamamahala, nakatuon sa patuloy na pagpapabuti ng sistema, at pagtugon sa pangangailangan ng mga stakeholders.