Inilunsad ng Department of Agriculture (DA) – MIMAROPA ang kauna-unahang 1000-hectare rice cluster sa bansa, na kilala bilang BBM (Biga-Bayanan-Malad) Cluster. Ang proyektong ito ay matatagpuan sa mga barangay ng Biga, Bayanan 1 at 2, at Malad sa Calapan City.
Pinangunahan ang BBM Cluster Kick-off activity ng DA MIMAROPA sa pakikipagtulungan ng National Irrigation Administration (NIA)-MIMAROPA, Oriental Mindoro Provincial Local Government Unit (PLGU) at Calapan City Agricultural Services Department (CASD) na naglalayong palakasin at pahusayin ang produksyon ng palay at bigas sa rehiyon.
Sa ilalim ng BBM Cluster, binibigyang-diin ang pagsasanib pwersa, koordinasyon, at kooperasyon ng iba't ibang stakeholder na kinabibilangan ng nasabing ahensya. Ang mga benepisyaryo ng programa ay mga miyembro ng Farmers’ Associations (FA) at Irrigators’ Associations (IA) ng Brgy. Biga, Bayanan 1 at 2, at Malad, na makatatanggap ng mga suportang interbensyon mula sa pamahalaan.
Dagdag pa rito, binibigyang halaga ng programa ang pagpapalawak ng kaalaman ng mga magsasaka sa mas makabagong pamamaraan ng pagtatanim ng palay. Layunin din ng rice cluster na ito na tiyakin ang mas mataas na ani ng bigas sa pamamagitan ng paggamit ng mga modernong teknolohiya at sapat na patubig.
Samantala, dumalo at nagbigay ng pagsuporta sa nasabing aktibidad sina Mr. Emerson Yago, Program Director for Clustering and Consolidation, Department of Agriculture - National Rice Program. Ipinabatid ng opisyal ang kahalagahan ng clustering at kung paano ito makakatulong upang tumaas pa ang produksyon bigas.
Aniya, ang ganitong uri ng kooperasyon ay susi sa mas epektibong produksyon ng pagkain, na makatutulong sa paglutas ng kakulangan sa suplay ng bigas hindi lamang sa MIMAROPA kundi sa buong bansa.
Bukod dito, nakiisa rin sa programa si Oriental Mindoro Agricultural Program Coordinating Officer Renie Madriaga, DA MIMAROPA Rice Program Lead Ronald Degala, City Mayor Marilou Morillo na kasalukuyang CASD Head, CASD Focal Person Engr. Jasper Adriatico, NIA-MIMAROPA Regional Manager Engr. Ronilio Cervantes, Oriental Mindoro Provincial Agriculturist Christine Pine, NFA Oriental Mindoro Acting Branch Manager Dennis Mejico, Malad Barangay Chairman Hector Africa at iba pang mga kawani at kinatawan mula sa mga kalahok na ahensya at attached agencies ng DA.
Sa panimula ng proyektong, inaasahang magiging modelo ang BBM Cluster sa iba pang lugar sa Pilipinas, na maaaring tularan ng ibang rehiyon para mapalakas ang produksyon ng bigas sa lokal at buong bansa.