Calapan City, Oriental Mindoro – Magkatuwang na nagpaabot ng tulong sa 160 pamilyang Naujeño na naging biktima ng malawakang pagbaha noong ikatlong linggo ng Hulyo ang Department of Agriculture – MIMAROPA at Missionaries Families of Christ (MFC), ika-7 ng Agosto.
Gamit ang trak ng DA MIMAROPA, ibiniyahe patungong Naujan ang sako – sakong ayuda para sa mga Naujeño.
Sa inisyatibo ni Regional Executive Director Antonio G. Gerundio, 825 kilo ng bigas ang hinati sa tiglilimang kilo para sa bawat pamilya at ipinamigay ng mga kawani ng tanggapan sa Oriental Mindoro sa pangunguna ni Agricultural Program Coordinating Officer Coleta C. Quindong. Ang mga bigas ay nadagdagan naman ng toothbrush, toothpaste, groceries, mga used clothes, kumot, at gamit sa kusina sa tulong ng MFC sa pamamagitan nina Provincial Coordinator Efigenio Navarro, Jr. at Dante Tolentino, MFC member.
Kabilang sa mga naging benepisyaryo ang 90 pamilya sa Brgy. Mulawin; 35 pamilya sa tatlong sitio ng Brgy. Aurora; at 35 pamilya sa Brgy. Masagana.
Operation Ayuda para sa mga Naujeñong biktima ng pagbaha, ika-7 ng Agosto, 2021.
“Natutuwa kami at nagpapasalamat inisyatibo ng DA na mahatiran ng tulong ang aming barangay kasama ang MFC lalo pa at kulang na kulang kami sa gamit at pagkain,” mensahe ni Kap. Maximo Ligan ng Barangay Mulawin.
Ayon naman kay APCO Quindong, agarang tulong sa mga gamit at pagkain ang kailangang – kailangan ng mga naapektohan ng pagbaha lalo pa at may mga nawalan ng tahanan habang marami ang nasira ang mga taniman at namatay ang mga alagang hayop.
“Nagpapasalamat kami kay RED Gerundio sa pagpayag na mabigyan ng tulong ang mga kababayan natin dito sa Naujan na ilang araw na binaha, nasa puso talaga niya ang pagtulong kahit hindi siya taga Mindoro,” aniya.
Pinsala ng bagyong Fabian
Samantala, base sa Damage and Loss Assessment (DaLA) report ng Department of Agriculture (DA) MIMAROPA nitong ika-4 ng Agosto, umabot na sa P577,399,382.37 ang halaga ng mga pinsala at lugi sa sektor ng agrikultura sa rehiyon ng MIMAROPA gawa ng nakaraang bagyong Fabian na pinatindi pa ng habagat.
Malaking bahagdan ng mga pinsala ang naitala sa mga probinsiya ng Oriental at Occidental Mindoro: nasa P343,005,835.67 sa mga palayan; P209,398,838.20 sa high value crops; P21,553,986.00 sa mga maisan; at P2,793,100.00 naman sa livestock. May bahagyang pinsala rin sa lalawigan ng Romblon na umaabot sa P370,872.50 sa palayan at maisan habang P330,750.00 naman sa ilang palayan sa Marinduque.
Kaugnay nito, kaagad na tumugon ang Kagawan ng Pagsasaka– Rehiyon ng MIMAROPA at nagbigay ng paunang tulong sa mga magsasaka kung saan ayon kay APCO Quindong, nasa 1,370 pakete ng iba’t ibang mga binhi ng gulay ang naipamahagi sa mga bayan ng Baco at Naujan ganun rin sa Lungsod ng Calapan habang 1,242 bags naman ng binhi ng palay na may bigat na 40 kilo bawat bag ang ipinamigay sa mga benepisyaryo sa mga nabanggit na lugar ganun rin sa mga bayan ng Victoria at San Teodoro.
Sa direktiba naman ng Kalihim William Dar, maliban sa mga binhi, pinahanda rin ang sumusunod na interbensyon mula sa Kagawaran ng Agrikultura: Quick Response Fund (QRF) para sa rehabilitasyon ng mga nasirang taniman at pangisdaan; mga gamot at iba pang pangangailangan para sa livestock at poultry; Survival and Recovery (SURE) Loan Program ng Agricultural Credit Policy Council (ACPC); at pondo mula sa Philippine Crop Insurance Corporation (PCIC) upang mabayaran ang mga apektadong magsasaka.