Magkatuwang na bubuo ng recovery and sustainability plan para sa mga samahang naging benepisyaryo ng Special Area for Agricultural Development (SAAD) Program Phase 1 sa Occidental Mindoro ang Department of Agriculture MIMAROPA at mga lokal na pamahalaan kasunod ng isinagawang konsultasyon na pinangunahan ng Planning, Monitoring, and Evaluation Division (PMED) ng tanggapan. Idinaos ang aktibidad mula ika-11 hanggang ika-13 ng Pebrero sa Development Academy of the Philippines, Tagaytay City.
Dumalo sa aktibidad ang mga kawani ng DA - SAAD MIMAROPA sa pangunguna ni Regional Lead Marissa D. Vargas, Program Advisory Committee (PAC) members Atty. Adelle Garcia - Chief of Staff, Baby Clariza San Felipe – RAFIS Chief, Marieta Alvis-Setias – IDU Chief, PMED Project Evaluation Officer II Edelma Laguerta, High-Value Crops Development Program Focal Maricar Combalicer, ganoon rin ang mga kinatawan ng Regional/Provincial Agriculture and Fishery Council, Corn, at Farm and Fisheries Clustering and Consolidation Programs. Nakiisa rin sa gawain si SAAD MIMAROPA Phase 1 Report Officer Josephine de Sales.
Sa naganap na konsultasyon, sunod-sunod na inilahad ng mga Municipal Agriculturists ng San Jose, Paluan, Sta. Cruz, Calintaan, at Abra de Ilog at mga kinatawan ng MAO Sablayan, Rizal, at Magsaysay, ang kalagayan ng mga proyekto at samahan na tinulungan ng SAAD Program sa kani-kanilang bayan.
Mula sa 148 samahan, 89 ang natukoy na operational pa ngunit nahaharap sa iba’t ibang pagsubok tulad ng kakulangan sa puhunan para sa produksyon, maintenance ng mga makinarya at iba pang gamit, koneksyon sa merkado, at kooperasyon ng mga miyembro.
Kaugnay nito, base na rin sa mga naging rekomendasyon ng mga nagsidalo, napagkasunduan na magkatuwang na maglalatag ang lokal na pamahalaan at DA - MIMAROPA ng detalyadong recovery plan para sa mga samahan na nahinto ang operasyon at sustainability plan para naman sa mga nagpapatakbo pa ng kanilang nasimulang community-based enterprise (CBE).
Tututukan nito ang pagpapalakas ng mga samahan, pagtulong sa proseso ng akreditasyon, pag-aaral muli ng kasunduan sa pagitan ng mga samahan at lokal na pamahalaan hinggil sa responsibilidad ng bawat isa sa tamang pamamahala ng mga proyekto, paggabay sa pagbuo ng mga estratehiya sa produksyon at marketing, at regular na monitoring sa mga samahan.
Bago naman matapos ang aktibidad, nagpaabot ng pasasalamat ang ilang kinatawan ng lokal na pamahalaan sa naging tulong ng programa sa kanilang mga kababayan lalong higit sa mga katutubo.
“Sa pamamagitan po ng SAAD, naramdaman po ng ating mga katutubo ang serbisyo ng pamahalaan. Sana po sa susunod pang activities ay magkasundo pa rin tayo sa pagbuo ng magagandang plano ukol sa pag unlad at maiangat ang pamumuhay ng ating stakeholders,” mensahe ni San Jose Municipal Agriculturist Romel Calingasan
Pinasalamatan naman ni Atty. Garcia, bilang kinatawan ni DA - MIMAROPA Regional Executive Director at DA - SAAD MIMAROPA Regional Focal Person Atty. Christopher R. Bañas, ang mga nagsidalo sa gawain at ang mga nakibahagi sa implementasyon ng SAAD Program Phase 1 sa rehiyon. Kinilala rin niya ang mga ibinahaging positibong epekto ng programa sa mga naging benepisyaryo nito at binigyang diin ang kahalagahan ng tuloy-tuloy na pagtutulungan upang mapanatili ang pang-agrikulturang kabuhayan at benepisyo ng mga magsasaka.
Mula 2019 hanggang 2022, nagkaloob ng iba’t ibang proyektong pangkabuhayan ang SAAD Program Phase 1 - na may kaugnayan sa pagtatanim ng palay, mais, high-value crops, pagmamanukan at pag-aalaga ng mga hayop - sa 4,524 na mga magsasaka sa Occidental Mindoro. Sinundan naman ito ng implementasyon ng Phase 2 ng programa mula 2023, na nakatakdang matapos sa taong 2028.