News and Events

DA inilahad ang mga karagdagang hakbang ng IATF sa panahon ng Enhanced Community Quarantine

DA inilahad ang mga karagdagang hakbang ng IATF sa panahon ng Enhanced Community Quarantine

Ipinahayag ng Department of Agriculture (DA) ang mga karagdagang hakbang ng IATF (Inter-Agency Task Force) sa panahong ipinatutupad ang Enhanced Community Quarantine.  Ang mga ito ay bilang tugon sa natanggap na mga reklamo mula sa mga naghahatid ng pagkain at produktong agrikultural batay sa karanasan nila sa mga checkpoints.

Naglabas ang DA noong Abril 1 ng dalawang karagdagang hakbang sa naunang naaprubahan ng IATF. Layunin ng naturang mga hakbang na tiyaking may mabibiling ligtas at abot-kayang pagkain ang bawat sambahayan sa buong Pilipinas sa gitna ng pananalasa ng COVID-19 (coronavirus disease).

Bukod sa nabanggit, inaprubahan rin ng IATF ang pagpapahintulot sa dalawang kargador na tutulong sa pagbubuhat at paghahatid ng mga pagkain at iba pang pangangailangan basta’t malusog ang mga ito at susunod sila sa social distancing.

Samantala, inilabas ni Occidental Mindoro Governor Eduardo Gadiano ang Executive Order No. 56-A na nagsasabing ang mga tsuper ay hindi na sasailalim sa quarantine. Subalit kailangang makapagtalaga ang mga may-ari ng trucking companies ng lugar na maaring tigilan ng mga tsuper para hindi makahalubilo ng mga ito ang ibang mamamayan.

Ayon kay Gov. Gadiano, tuluy-tuloy na makapapasok ang mga tsuper at dalawang pahinante ngunit pagdating sa lalawigan ng Occidental Mindoro, may mapupuntahan silang temporary shelters na galing sa operator. “Hindi na sila i-quarantine dahil titira sila sa temporary shelter para anytime na may travel ulit sila puwede siya mag-drive paluwas,” dagdag pa niya.

Nauna nang nilagdaan ni Agriculture Secretary William Dar noong March 17 ang DA Memorandum Circular (MC) No. 7 at noong March 20 ang MC No. 9 series of 2020 na nagtatakda sa ipinatutupad na Food Resiliency Protocol. Ang naunang MC ay sumasaklaw lang sa Luzon at mga matataong metropolitan areas, subalit ang huling MC ay nagtatakda na ang protocol ay para sa buong bansa. Ang Food Resiliency Protocol ay epektibo mula Marso 24, 2020.

Ibinuod ni Sec. Dar sa kanyang opisyal na FB page ang pitong aprobadong hakbang ng IATF na magsisilbing gabay para sa lahat.

Unang nakasaad doon na pinahihintulutang makapagpatuloy ang lahat ng gawaing may kinalaman sa pagsasaka at pangingisda. Kasunod nito, pinapayagang makapagtrabaho ang lahat ng malulusog na magsasaka at manggagawa sa bukid, mangingisda, at mga tauhang may kaugnayan sa agribusiness.

Ang mga tindahan ng supply pang-agrikultura at mga klinika ng hayop (veterinary clinics) ay hinahayaang magbukas. Pinanatili rin ang tuluy-tuloy na paghahatid ng lahat ng supply pang-agrikultura kasama ang food packaging at manufacturing materials.

Upang paigtingin ang monitoring at pagkontrol sa presyo ng mga bilihin, muling pinalalakas ang Local Price Coordination Councils (LPCCs). Pinalalakas rin ang KADIWA ni Ani at Kita para panatilihin ang price-stability, sapat at abot-kaya ang pagkain.

Ikapito, sinusuportahan ang programang ALPAS kontra COVID-19 (Ahon Lahat, Pagkain Sapat kontra COVID-19) ng Department of Agriculture

Gayunpaman, nakasaad sa MC No. 7 ang listahan ng mga pagkain na kailangan payagang makadaan sa lahat ng mga quarantine checkpoint, basta’t makapagpapakita ng kaukulang dokumento.

Nasa listahan ang bigas, asukal, lahat ng gulay at prutas, mga isda at yamang dagat, mga buhay na manok, baboy, baka, kalabaw, kambing, tupa,  lahat ng uri ng karne (fresh, frozen, chilled) at mga produktong karne (tocino, longganisa, tapa, hotdog, ham, at iba pa), itlog, gatas at dairy products (keso at mantikilya), mga de latang pagkain, at mantika.

Bukod sa pagkain, nakalista rin sa MC No. 7 ang mga farm inputs na pinahihintulutang makadaan sa checkpoint. Ang mga ito ay kinakailangan para suportahan and produksyon at pagpoproseso ng pagkain. Kabilang sa kategoryang farm inputs ang mga sumusunod: a) mga sisiw o day-old chicks, inahing baboy (breeder pigs), semen at semen straw; b) pakain sa hayop gaya ng mais, soya, harina, rice bran, trigo, copra meal, lahat ng pre-mixes (enzymes at probiotics), at mantika; c) gamot ng hayop at mga biologics; d) disinfectants, chlorines, makinaryang pansakahan, at makina para sa cold storage at pagpoproseso ng karne.

Ayon naman sa MC No. 9, mayroong mga cargo lanes na itinalaga ang Philippine National Police (PNP) sa mga checkpoints kung saan dumadaan ang mga kargamentong pagkain at farm inputs. Bibigyang karapatang maunang makapasok sa mga food lanes ang mga trak at suppliers na may food pass.

Image

Republic of the Philippines

All content is in the public domain unless otherwise stated.

About GOVPH

Learn more about the Philippine government, its structure, how government works and the people behind it.